Nasawi ang isang barangay tanod nang saksakin siya sa leeg ng isang suspek sa pagnanakaw ng e-bike na kanilang nasukol sa Binondo, Maynila.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang biktimang tanod na si Peton Biazon, na pumanaw habang ginagampanan ang kaniyang tungkulin.
Rumesponde umano si Bianon nang magkaroon ng sumbong na may nakawan ng e-bike na nangyari sa Barangay 281 nitong Linggo ng madaling araw.
Inabutan at nasukol nina Biazon at mga kasamahan ang suspek pero naglabas ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima.
"Nagkaroon ng commotion, doon na rin naglabas ng patalim itong suspek at doon na rin nasaksak niya ng isang beses sa may bandang leeg [ang biktima]," ayon kay Police Captain Dennis Turla, Chief-Homicide Section-MPD.
Nakatakas ang suspek pero naaresto rin kinalaunan nang matunton ang kaniyang kinaroroonan sa tulong nga mga CCTV camera.
Sa kulungan, sinabi ng suspek na hinahataw umano siya ng mga aaresto sa kaniya kaya lumaban na siya at nasaksak ang biktima.
Screw driver umano ang dala niyang panaksak, at humingi siya ng tawad sa kaniyang ginawa.
Ang kaanak ng biktima, desididong kasuhan ang suspek.
Inilarawan ni Estela Logatiman, tiyahin ng biktima, ang pamangkin niyang si Biazon na napakamabait na tao na tumutulong sa kanila.
"Kada sahod niya, lahat kami binibigyan. Namatay siya sa ganung pangyayari, brutal," saad niya.
Kasong murder ang isasampa laban sa suspek. -- FRJ, GMA Integrated News