Hinahanap ng mga awtoridad ang bangkay ng dinukot na American vlogger na si Elliot Eastman, dahil na rin sa impormasyon na ibinigay ng isa sa mga naarestong suspek na patay na umano ang dayuhan.

"Kinonfirm [confirmed] po nila na patay na, patay po si Eastman. Lumalabas po na noong hapon na siya ay in-abduct, dalawa po ang naging tama nito, sa hita at sa may tiyan,'' ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa press briefing nitong Huwebes.

Ayon sa Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9), nakuha ng task group na nagsisiyasat sa kaso, mula sa isang saksi na binaril si Eastman nang pumalag sa apat na tao na dumukot sa kaniya at isinakay siya sa bangka.

Habang nasa bangka, pumanaw umano si Eastman kaya itinapon ng mga suspek ang kaniyang katawan sa dagat.

''Based nga po doon sa revelations ng isa sa mga suspek ay namatay nga po on the day na in-abduct po si Eastman. At habang nasa bangka ay itinapon po ito sa gitna ng dagat. Unfortunately po hanggang ngayon po ay pinagtutulungan pa rin po [na makita] ng combined elements po ng PNP at Armed Forces of the Philippines 'yung bangkay po nitong si Eastman,'' ayon kay Fajardo.

Natunton na rin umano ng mga awtoridad ang bangka na ginamit nang dukutin si Eastman.

Nitong nakaraang buwan, tatlong tao na pinaniniwalaang sangkot sa pagdukot kay Eastman ang napatay ng mga awtoridad sa nangyaring engkuwentro sa Kabasalan, Zamboanga Sibugay.

Kinilala ang mga suspek na sina Mursid Ahod, Abdul Sahibad, at Fahad Sahibad.

Reklamong kidnapping at serious illegal detention naman ang inihain laban sa iba pang suspek, na tatlo ang nasa kustodiya ng pulisya.

Inihayag naman ng US Embassy sa Manila na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad tungkol sa pinakahuling impormasyon tungkol kay Eastman.

''The Department of State has no greater priority than the welfare and safety of US citizens abroad. We stand ready to provide assistance to US citizens in need and to their families,'' ayon sa US Embassy. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News