Patay matapos asintahin mula sa likod ang isang opisyal ng UnitedHealthcare insurance unit habang naglalakad sa labas ng Midtown Manhattan hotel. Ang baril ng salarin, pinaniniwalaang nilagyan ng silencer.
Sa ulat ng Reuters, kinilala ang biktima na si Brian Thompson, 50-anyos, CEO ng naturang kompanya na pinakamalaking health insurer sa Amerika.
Sa CCTV footage, nakita ang pagsulpot ng salarin nang dumaan si Thompson at inasinta ang nakatalikod na biktima dahil sa tinamong tama ng bala.
Tumakas aang salarin sakay ng e-bike papunta sa direksyon ng Central Park.
Naniniwala ang mga pulis na target talaga si Thompson dahil may ibang tao na dumaan sa naturang lugar na hindi pinansin ng salarin.
"This does not appear to be a random act of violence," ayon kay New York City Police Commissioner Jessica Tisch sa press conference. "Every indication is that this was a premeditated, pre-planned, targeted attack."
May takip ang mukha ng salarin, naka-hoody, at gray na backpack. Nag-alok ng pulisya ng NY ng $10,000 na pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang suspek.
Nangyari ang krimen nitong Miyerkules ilang oras bago ang taunang Christmas tree lighting sa Rockefeller Center na ilang metro ang layo sa lugar kung saan binaril ang biktima.
Sinabi ng asawa ni Thompson sa NBC News na mayroong natatanggap na banta sa buhay ang biktima pero hindi niya alam ang eksaktong dahilan.
"I don't know details. I just know that he said there were some people that had been threatening him," saad ni ginang.
Nasa lugar ang biktima dahil sa isinasagawang komperensiya ng kompanya sa hotel, na agad kinansela matapos insidente.
Inalis na rin ng kompanya ang mga larawan ng kanilang opisyal sa kanilang website.-- mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News