Hindi pabor si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa anumang balakin na i-impeach o patalsikin sa puwesto si Vice President Sara Duterte dahil maaapektuhan umano ang trabaho ng mga kongresista at senador.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Marcos na hindi ikagaganda ng buhay ng mga Pilipino ang pag-impeach kay Duterte.

“This is not important This does not make nay difference to even one, single Filipino life, so why waste time on this?” pahayag ng Punong Ehekutibo.

“What will happen to the-- if somebody files an impeachment? It will tie down the House, it will tie down the Senate. It will just take up all our time, for what? For nothing. None of this will help improve a single Filipino life. As far as I’m concerned, it’s a storm in a tea cup,” paliwanag niya.

Kinumpirma rin ni Marcos ang text message na hinikayat niya ang mga mambabatas na huwag maghain ng impeachment complaint laban kay Duterte.

“Well, it was a private communication pero na-leak niya. Yes, because that’s really my opinion,” sabi ni Marcos.

Nakasaad sa naturang mensahe na: “In the larger scheme of things, Sara is unimportant. So please do not file impeachment complaints.”

Una rito, inihayag ng ilang kongresista na wala pang pinag-uusapan sa Kamara de Representantes kaugnay sa posibleng paghahain ng impeachment complaint laban kay Duterte.

Bunga ito ng hidwaan ni Duterte kina Marcos at pinsan nito na si Speaker Martin Romualdez.

Sa Kamara nagmumula ang reklamong impeachment, na kapag naaprubahan ay dadalhin sa Senado upang "litisin" ang opisyal na nais tanggalin sa posisyon.

Ang mga impeachable official sa bansa ay ang Presidente, Bise Presidente, mga miyembro ng Supreme Court, mga miyembro ng Constitutional Commissions, at ang Ombudsman.

Bukod sa usapin ng kung papaano o saan ginamit ni Duterte ang kaniyang confidential funds na iniimbestigahan ng mga kongresista, naging kontrobersiyal ang isiniwalat ng bise presidente na may kinausap na siyang papatay kina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Romualdez, kung may masamang mangyayari sa kaniya.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News