Nahuli-cam ang sapilitang pagkuha at pagsakay sa van sa isang lalaki ng mga nagpakilala umanong mga pulis sa Mandaluyong City. Pero ang insidente, utos umano ng ina ng biktima para ito ipasok sa isang private rehab center. Ngunit duda rito ang live-in partner ng lalaki.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV Balitanghali nitong Lunes, makikita sa video footage na nilapitan ng nasa apat na lalaki ang biktima na naglalakad sa bangketa noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa kinakasama ng biktima, may tumawag sa pangalan ng kaniyang asawa at saka ito sapilitang isinama at isinakay sa van ng mga nagpakilala umanong mga pulis.
Sinabi pa ng babae na nang tanungin niya ang mga lalaki kung bakit kinukuha ang kaniyang mister, sinabihan umano siya na huwag mag-iskandala at batid umano ng magulang ng biktima ang kanilang ginagawa.
Ini-report naman ng babae sa barangay at pulisya ang insidente.
Ayon kay Police Colonel Mary Grace Madayag, hepe ng Mandaluyong City Police, kinumpirma ng ina ng biktima na ipinakuha niya ang kaniyang anak para umano ipa-rehab dahil sa paniwala nito na lulong sa paggamit ng marijuana ang biktima.
Sadya rin daw na inilihan ng ina ang plano sa babaeng kinakasama ng kaniyang anak.
Ngunit itinanggi ng babae na gumagamit ng ilegal na droga ang kaniyang mister.
Paniwala niya, tungkol sa pera at mana ang motibo kaya sapilitang ipinakuha ang biktima.
Idinagdag ng babae, may away ang pamilya tungkol sa pera at hindi rin umano ibinibigay sa biktima ang parte ng mana nito.
Giit ng babae, nais niyang malaman kung nasaan ang kaniyang asawa para makausap niya ito, at ng kanilang mga anak.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng ina ng lalaki pero tumanggi umano ito, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News