Natagpuang palutang-lutang malapit sa Pier 18 sa Tondo, Maynila nitong Linggo ang bangkay ng isang lalaki.

Ayon sa mga tauhan ng Barangay 101, maliligo sana sa bahagi ng sea wall ang ilang kabataan nang makita nila ang tila ulo ng isang tao.

Agad umano nila itong sinabi sa kanilang mga magulang na agad namang tumawag ng mga barangay tanod.

Gamit ang isang balsa, hinatak ng mga residente ang nasabing bangkay.

Agad namang nakipag-ugnayan sa pulisya ang barangay kaya nakurdon ang lugar.

Ayon sa barangay, ang biktima ay hindi residente sa kanila.

Base sa ID na narekober sa kanyang bulsa, residente ng Pandi, Bulacan ang lalaki.

Bukod dito, mayroon ding nakuhang susi ng motorsiklo sa kanyang bulsa.

Sa tantiya umano ng mga awtoridad, nasa 12 oras nang nakababad sa tubig ang bangkay bago ito natagpuan ng mga residente.

Sa ngayon ay palaisipan pa raw sa barangay kung paano napunta sa kanilang lugar ang bangkay.

Ayon naman sa Homicide Section ng Manila Police District (MPD), wala naman silang nakitang tama ng bala sa katawan ng biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng MPD sa insidente. —KG, GMA Integrated News