Isa ang patay matapos sumalpok ang isang kotse sa nakaparadang 10-wheeler truck sa Marcos Highway sa Barangay Mayamot, Antipolo City sa Rizal, nitong Martes ng umaga.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita, makikitang wasak at may bakas pa ng dugo sa loob ng bumanggang kotse.

Ayon sa Office of Public Safety and Security ng Antipolo, lima ang sakay ng kotse. Isa ang dead on the spot habang apat ang dinala sa ospital.

Kasalukuyan nang nasa Police Station 1 sa Barangay Mayamot ang driver ng truck.

Nagdulot ng pagbagal ng trapiko sa lugar ang insidente bagama't lumuwag din ito kinalaunan. —KBK, GMA Integrated News