Dalawa ang patay kabilang ang isang babaeng menor de edad habang dalawang iba pa ang sugatan sa insidente ng pananaksak sa Tondo, Maynila.
Nangyari ang insidente sa Infanta Street sa Balut, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV, nakitang may isang lalaking bumaba sa motorsiklo at nilapitan ang isa pang lalaki.
Maya-maya pa ay nagkagulo na nang may ibang taong lumapit kabilang ang isang babaeng menor de edad na aawat lang daw sa away.
Hindi nakita sa video ng CCTV ngunit ang lalaking bumaba sa motor ay may dalang balisong na kanyang isinasiwas habang nagkakagulo.
Apat ang nasaksak at dalawa rito ay patay — isang 21-anyos at ang menor de edad na 16-anyos, ayon sa pulisya.
"'Yung isang biktima natin ay isang 21 years old. 'Yun 'yung unang namatay. Sumunod ay mayroong isang sugatan at kalaunan... ay pumanaw rin. Sixteen years old naman po 'yun na babae," ani Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide section.
Duguan na ang menor de edad na babae at nakahandusay sa kalye nang madatnan ng mga awtoridad.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang pananaksak ay nagkaaway na ang suspek at ang isa sa mga sugatan. Pareho silang nasa birthday party noon.
Binastos umano ng suspek na nakainom ang ilang mga babaeng bisita, kabilang ang kasintahan ng biktima.
"Dumating itong suspek na nakainom na rin. 'Di umano ay jumoin du'n sa kanilang inuman pero hindi naman siya imbitado. Lasing na rin daw ito. Napansin na rin daw ito ng mga testigo na nakainom na," ani Turla.
Nakauwi na raw ang biktima ngunit sinundan siya ng suspek at nangyari na ang pananaksak.
Agad naman nahuli ang suspek.
Ayon sa suspek, kakausapin lang niya ang lalaki pero bigla raw siyang sinuntok at pagkatapos ay kinuyog na siya ng ibang mga tao.
Dinala siya sa barangay hall kung saan muli raw siyang kinuyog pati ng mga taga-barangay.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunin ang pahayag ng barangay tungkol dito.
Samantala, nakaburol na ang babaeng menor de edad.
Isasa-autopsy naman ang isa pang namatay na biktima.
Ang dalawang nasugatan ay kasalukuyang nagpapagaling, kabilang ang isang kaibigan ng suspek na nagtangkang umawat. —KG, GMA Integrated News