Ibinasura ng Pasig City court ang hiling na hospital arrest ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Sa ulat ni Glen Juegos sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing kinumpirma ito ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon.
Sinabi ni Torreon na maghahain sila ng motion for consideration.
Nitong nakaraang Setyembre naghain ng apela ang kampo ni Quiboloy ng hospital arrest sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 159, kasama ang co-accused na si Ingrid Canada.
???????????????????? ????????????????????????
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 17, 2024
Hirit na hospital arrest ni Pastor Apollo Quiboloy, hindi pinagbigyan ng Pasig City RTC. | via @glenjuego pic.twitter.com/2Nv69OaelF
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, idinahilan ng kampo ni Quiboloy na may existing medical conditions ang KOJC leader.
Gayunman, sinabi ni Fajardo, na maayos naman ang tingin nila sa medical condition ni Quiboloy batay sa daily assessment ng PNP General Hospital.
Kasalukuyang nakadetine si Quiboloy sa Camp Crame habang inilipat na sa Pasig City Jail ang mga kapuwa niya mga akusado kasama si Canada.
Nahaharap si Quiboloy sa kasong qualified human trafficking sa ilalim ng Section 4(a) of Republic Act No. 9208, na walang nakalaang piyansa.
Bukod pa sa mga kasong paglabag sa Section 5(b) and Section 10(a) of Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.-- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News