Itinanggi ni Police Lieutenant Colonel Kenneth Paul Albotra na may kinalaman siya sa nangyaring pagbaril at pagpatay kay Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili noong 2018.
Lumutang ang pangalan ni Albotra sa kaso ni Halili nang banggitin siya ng dating pulis at PCSO general manager Royina Garma, sa isinagawang pagdinig ng House Quad Committee noong nakaraang linggo.
BASAHIN: Garma, itinuro ang isang pulis na posibleng may alam umano sa paglikida kay Mayor Halili
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Albotra na "confused" si Garma kaya idinawit ang kaniyang pangalan.
“Masasabi ko lang po diyan, sir, is hindi po totoo ‘yan, wala pong katotohanan ‘yan,” ani Albotra.
“Tingin ko eh talagang ano po si Ma’am, confused na po siya sa mga nangyayari sa buhay niya po ngayon at ako po’y naawa po sa kaniya,” dagdag niya.
Binaril ng pinaniniwalaang sniper si Halili habang dumadalo sa flag ceremony sa Tanauan City Hall noong 2018.
Walang nakasuhan o nahuling suspek sa naturang krimen.
Kabilang ang pangalan ng alkalde sa mga binanggit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa ilegal na droga.
Naging kontrobersiyal si Halili at napag-initan din ng human rights groups dahil ipinaparada niya ang mga nahuhuling suspek sa ilegal na droga.
Sa pagdinig ng QuadComm noong nakaraang linggo, sinabi ni Garma na ibinibida umano ni Albotra na kilala niya ang nagsagawa ng operasyon para patayin umano ang alkalde.
“Pinagmalaki niya sa akin noon. ‘Oh talaga? How did you do it?’ Mga kilala niya mga kasama niya,” ani Garma.
Ipatatawag ng komite si Albotra sa susunod na pagdinig. —FRJ, GMA Integrated News