Tinanggap ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. ang pagbibitiw ni National Police Commission (NAPOLCOM) commissioner Edilberto Leonardo, na iniuugnay sa pagpatay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez ang pagtanggap ni Marcos sa pagbibitiw ni Leonardo nitong Lunes.
Pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang sulat na ipinadala kay Interior Secretary Jonvic Remulla kaugnay sa pagtanggap ni Marcos sa pagbibitiw ni Leonardo na "effective immediately."
Una rito, sinabi ni House dangerous drugs panel chairman at Surigao del Norte Representative Ace Barbers, na dapat sampahan ng kasong murder sina Leonardo at retired Police Colonel Royina Garm, kaugnay sa pagpatay kay Barayuga.
Nang tambangan at patayin si Barayuga, si Garma ang general manager ng PCSO, habang commissioner na ng NAPOLCOM si Leonardo.
BASAHIN: Saksi, isiniwalat na sina Garma at Leonardo, ang nagpapatay sa PCSO official na si Barayuga noong 2020
Parehong itinanggi nina Garma at Leonardo ang alegasyon na may kinalaman sila sa nangyari kay Barayuga.—mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News