Sinabi ng umano'y drug lord na si Kerwin Espinosa sa House Quad Committee (QuadComm) na pinilit siya ni dating Philippine National Police chief at ngayo'y senador na si Ronald "Bato" dela Rosa, na idawit sina dating senador Leila de Lima at negosyanteng si Peter Lim sa illegal drug trade. Itinanggi ito ni dela Rosa, at sinabing susuntukin niya sa mukha si Espinosa dahil sa pagiging sinungaling nito.
Ginawa ni Espinosa ang akusasyon laban kay dela Rosa sa pagpapatuloy ng pagdinig ng QuadComm, na nagsisiyasat sa nangyaring patayan sa war on drugs ng nagdaang administrasyong Duterte.
Ayon kay Espinosa, kinausap siya ni dela Rosa noong November 2016 makaraang bumalik siya sa Pilipinas mula sa Abu Dhabi kung saan siya naaresto. May kinakaharap siyang kaso sa bansa tungkol sa ilegal na droga nang panahong iyon.
“November 17, sinundo ako ng mga kapulisan dito sa atin. Ang sumundo sa akin, si General Bato, inakbayan niya ako papunta sa sasakyan na Land Cruiser na puti, na bullet-proof. Noong sumakay na kaming lahat, si General Bato nasa front seat, ako ay nasa likod, pinagitnaan ako ng dalawang mga pulis, at sinabihan niya ako na aminin mo na sangkot ka sa kalakaran sa droga dito sa Pilipinas at idawit ko si Peter Lim at si Leila de Lima para madiin na sila,” paglalahad ni Espinosa sa komite.
Sinabihan umano siya na mangyayari sa iba pang miyembro ng pamilya niya ang nangyari sa kaniyang ama--si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na pinatay sa kulungan matapos umanong manlaban--kung hindi siya susunod sa plano.
“So nanginig ako sa panahon na ‘yon, hindi ko alam kung ano ang gagawin,” ayon kay Espinosa.
Inutusan din umano siya ni Dela Rosa na kausapin si Ronnie Dayan, driver noon ni De Lima, para maging magkatugma ang kanilang sasabihin sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa illegal drug trade.
Sa naturang imbestigasyon sa Senado noon, sinabi ni Espinosa na nagbigay siya ng mahigit P8 milyon kay De Lima.
“Pinlantsa namin ‘yung dapat naming sabihin sa Senado para magtugma ang mga lugar, petsa, at kung ano pa. At pagkatapos nun, kinausap ako ni Sir Bato. ‘Yun na ang ilagay mo sa affidavit na kukunin ng mga PAO (Public Attorney’s Office) lawyer. So, after two days, nandoon na yung mga PAO lawyer. Kinunan na ako ng salaysay. At bago umalis si Sir Bato, sinabihan ako, ayusin mo nga kung ayaw mong may mangyari sa'yo,” sabi pa ni Espinosa.
Humingi ng paumanhin si Espinosa kay De Lima sa ginawa niyang pagsisinungaling dahil sa banta ni Dela Rosa.
Halos pitong taon na nakulong si De Lima dahil sa naturang mga kaso tungkol sa ilegal na droga, na isa-isang ibinasura ng korte.
BASAHIN: Huling drug case ni Leila de Lima, ibinasura na ng korte
'Suntukin ko sa mukha'
Samantala, itinanggi ni Dela Rosa ang akusasyon ni Espinosa at sinabing susuntukin niya ito sa mukha dahil sa pagiging sinungaling.
"Sabihan mo siya, 'pag makita ko siya, suntukin ko sa mukha sa kanyang kasinungalingan. 'Pag magkita kami, suntukin ko siya sa mukha. Sobrang sinungaling siya," sabi ni Dela Rosa.
Ayon sa senador, ang tanging pinag-usapan nila ni Espinosa ay tungkol kay Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido kaugnay sa pagkamatay ni Mayor Espinosa sa kulungan sa Leyte.
Sinabi ni Dela Rosa na inakusahan ng nakababatang Espinosa si Espenido na tumatanggap ng pera sa nasawing alkalde.
"That is all we talked about. Kala mo sino siya makapagsalita. Kala mo sino siyang malinis. Gumagawa siya ng mga istorya samantalang noon ang bait bait niya sa custodiya namin," ani Dela Rosa.
Dagdag niya, walang kredibilidad si Espinosa.
"Demonyo talaga iyan eh. Drug lord talaga. Sira ulo. Kahit na na-dismiss iyong kaso niya, he remains a drug lord. Alam na alam ng mga tao yan, kahit na nakakulong siya, gumagana pa rin ang droga doon sa lugar niya sa Albuera. Gumagana pa rin kasi siya pa rin nagpapatakbo. Alam na alam ko yan, nire-report sa akin ng mga tropa," patuloy ng senador.
Sa naturang pagdinig, itinanggi ni Espinosa na drug lord siya.
"Hindi ako drug lord. Pero naging isang adik-adik ako. Drug user ako. 22 years ago. Naging drug addict po ako pero hindi ako drug lord,” pahayag niya.—mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News