Sinampahan ng patong patong na reklamo ng qualified theft ang isang babae sa Maynila na inreklamo ng kaniyang dating amo.
Ayon sa Manila Police District (MPD), taong 2021 pa raw nang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
"Base dito sa warrant of arrest niya na nilabas ng RTC Branch 51 ng Manila, 17 counts ng qualified theft yung kanyang kakaharaping kaso,” sabi ni Police Major Philipp Ines, tagapagsalita ng MPD.
Tumanggi siyang humarap sa camera pero sinabing wala siyang ideya kaugnay sa nasabing kaso. Tumanggi rin siyang magbigay ng karagdagang detalye kaugnay dito.
Sa ngayon ay nananatili siya sa custodial facility ng MPD.
“Haharapin niya yung kaso sa korte at kung wala siyang alam na kinasuhan siya, malalaman naman niya kasing unang una, padadalhan siya ng subpoena ng korte malamang in-ignore niya yan or hindi niya man natanggap yan kaya siya nilabasan ng warrant of arrest,” dagdag ni Ines.
Samantala, isang lalaki din ang inaresto ng MPD sa kasong robbery sa Quezon City.
Tumanggi din humarap sa camera pero sinabi niya na hindi niya alam kung bakit siya nagkaroon ng kaso.
--VAL, GMA Integrated News