Naghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) para tumakbong senador sa Eleksyon 2025 sina Apollo Quiboloy at Victor Rodriguez, na dating executive secretary ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia, ang COC ni Quiboloy ay inihain ng abogado ng huli na si Atty. Mark Tolentino.
Sinabi ni Tolentino na isusulong umano ng nakadetineng si Quiboloy ang pagbibigay ng proteksiyon sa religious freedom.
“The people will campaign for him. Pastor Apollo Quiboloy is running for Senator of the Republic of the Philippines because he wants to be a part of the solution. His platform of government is God-centered, Philippine-centered, and Filipino-centered, and his priority is religious freedom,” ayon kay Tolentino.
“Pastor Quiboloy believes religious freedom is inviolable. The government should secure the holy grounds against state forces. Secondly, the poor should be protected, particularly their health, with free medicine and medical services. Pastor Quiboloy will be the Senator of the poor, ordinary Filipinos. He will be accessible and will be willing to hear them out. He wants quality education and zero corruption,” dagdag niya.
Si Quiboloy ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), at nahaharap sa iba't ibang kaso tulad ng child abuse at qualified human trafficking. Bukod pa ito sa kinakaharap niyang mga kaso sa Amerika, kabilang ang fraud and coercion and sex trafficking of children, conspiracy at bulk cash smuggling, at iba pa.
Itinanggi ni Quiboloy ang naturang mga paratang laban sa kaniya.
Samantala, sinabi ni Rodriguez, dating executive secretary ni Marcos sa loob ng mahigit tatlong buwan noong 2022 bago nagbitiw, na pangungunahan niya ang “true opposition.”
“Ang direction naming simula ng akin sinamahan nung kampanyang huli ay patungo sa good governance and to temper the greed and to temper corruption at nakita ko na kabaliktaran yung aking na witness. Napakarami counterflow at iba yung direction nila ayaw nila to temper the greed and to temper corruption,” ayon kay Rodriguez.
“I think the more important thing we should all oppose whether elected or not, whether ordinary Filipino, ay yung talamak na corruption,” dagdag niya.
Tatakbo si Rodriguez bilang independent candidate. --FRJ, GMA Integrated News