Naghain ng kani-kaniyang certificate of candidacy (COC) nitong Lunes ang mga dating senador na sina Gregorio "Gringo" Honasan II at Bam Aquino para tumakbo muli sa Senado sa Eleksyon 2025.
Tatakbong senador si Honasan bilang independent candidate, na itutuloy umano ang mga reporma sa ekonomiya at land reform program, pati na ang national security, kapag nanalo.
“We’ve been fighting for economic reforms, land reform, electoral reforms, social reforms, even reforms in our spiritual lives. That’ the reason why I have decided to ask for another mandate from the Filipino people,” sabi ni Honasan sa mga mamamahayag.
Noong Eleksyon 2022, tumakbong senador si Honasan sa ilalim ng tambalan nina dating Sens. Panfilo Lacson at Vicente Sotto III, na kumandidato noon na presidente at bise presidente, pero pawang hindi sila pinalad na manalo.
Kandidato rin sa Eleksyon 2025 bilang senador sina Lacson at Sotto, sa ilalim ng Nationalist Peoples Coalition (NPC). Magkakasama ang tatlo sa "Macho Bloc" noong magkakasama pa silang nakaupo sa Senado.
Nang tanungin kung kasama pa rin siya sa Macho bloc, sabi ni Honasan na: “You cannot disband the Macho bloc… The Macho bloc, if it can be harnessed to address the highest public and national interest, it will continue to function whoever the members are.”
Kasama rin sa Macho bloc si Senator Lito Lapid, na kandidato rin sa Eleksyon 2025 para sa naturang posisyon.
“We continue to remain the Macho bloc — platform and program-based — we’re not involved in personality conflicts… We’re trying to induce, ask, educate the Filipino people to make more informed, rational, intelligent choices, examining the platforms and programs that will impact on the real situation infornt of us which is food, clothing, shelter, education, health, and access to data. The new goal…that’s the context of how the Macho bloc came into be,” paliwanag ni Honasan.
Samantala, tatakbo naman si Aquino sa ilalim ng Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino (KANP), na sasandal sa "volunteerism" sa kaniyang kampanya.
“Mas malalim at mas masinsin na social media strategy at yung pagsandal sa mga volunteers natin na nandyan pa rin at buo pa rin sa buong bansa. ‘Yan ang magbabago sa ating kampanya,” ayon kay Aquino sa media briefing.
“Iba na rin ang political situation ngayon at nakita natin from the last campaign na napakaraming Pilipino ang naghahanap ng iba naman. Kami po nakaasa kami diyan,” dagdag niya.
Sinabi ni Aquino na nais niyang tutukan kapag nanalong senador ang usapin ng trabaho para sa mga kabataan, na kaugnay ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act na iniakda niya noon.
“Libreng kolehiyo at siguradong trabaho, ‘yan po ang nais nating maibigay sa taong-bayan. Handa tayo para sa kampanyang ito at mas handa tayong maglingkod sa ating kababayan,” sabi ni Aquino.--mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News