Sinabi ng isang opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ilang Pinoy ang itinutuloy ang operasyon ng mga scam farm sa harap ng mga isinasagawang operasyon laban sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Ang nakakatakot 'yung indigenous scam farm na ang nagpapatakbo ay mga Pilipino. Ito na nga ang nakikita natin. May mangilan-ngilan nang sumusubok,” ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes.
“Ang tanong bakit? Kasi napakalaki ho ng pera,” dagdag niya.
Ayon pa kay Casio may mga online fraud at online scam networks ang sinalakay ng mga awtoridad na mga Pilipino ang nagpapatakbo.
“Na-realize na po ng Commission ‘yan. Napag-usapan na ng mga direktor ‘yan at napresenta na po namin kay Executive Secretary na darating ang panahon na itong mga Pilipino, matututo at matututo, makakaipon ng sapat na pondo, lakas ng loob, network, koneksyon, at sila na ang magsisimula,” pahayag niya.
Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., idineklara niyang bawal na ang lahat ng POGO. Iniutos ng pangulo na tapusin ang lahat ng POGO operations sa katapusan ng taon.
Ayon kay Casio, nadiskubre nila na isang Internet Gaming Licensee (IGL) firm, o POGO sa Pasay City na may permit to operate ang tila walang plano na itigil ang operasyon.
Nang salakayin ang opisina noong nakaraang linggo, nalaman na may mga Pilipino na bagong kinuhang empleyado.
“Nung ininterview ko 'yung mga Pilipino, kailan ka na-hire? Three days ago. Kelan ka na-hire? Four weeks ago. Ikaw, anong ginagawa mo doon? I was there for an interview,” kuwento ni Casio.
Sinalakay umano ang establisimyento matapos makatanggap ng impormasyon na may illegal POGO operation sa lugar. Ikinagulat nila na mayroon itong lisenya bilang IGL.
Ayon kay Casio, kasama sa POGO ban ang mga IGL.
Tamang isinara ang POGO
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Deputy Speaker David Suarez na tama ang desisyon ni Marcos na ipasara na ang mga POGO na konektado sa mga kriminal na gawain.
"President Marcos was absolutely correct in his call to shut down POGOs. Nakita naman natin sa ating mga Quad Committee hearings na hindi lamang ito tungkol sa sugal, linked din ito sa iligal na droga, at EJKs. Hindi ito simpleng problema: this is organized crime, and we must put an end to it,” ayon kay Suarez.
Ang House Quad Comm ay apat na komite na nagsasagawa ng imbestigasyon sa ilegal na operasyon ng POGO at mga nangyaring pagpatay sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
"Hindi lang POGO ang problema dito. The evidence presented during the Quad Comm hearings shows that drug syndicates are using these platforms as a front for their illegal trade. Nakakatakot na hindi lang sugal ang pinag-uusapan natin dito, kundi ang buhay ng ating mga kababayan," pahayag pa niya.
Idinagdag ng kongresista ang mga nangyaring pagpatay at mga pagdukot na konektado sa illegal POGO.
"We cannot ignore the growing violence surrounding POGO activities. People are being killed, and these deaths are directly linked to the criminal syndicates operating behind the scenes. Kailangan natin itong sugpuin nang mabilis," ayon pa ni Suarez na sinabing kailangan ding mabuwag ang buong network ng sindikatong nasa likod ng POGO ops. -- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News