Walong senatorial aspirants ang naghain ng kani-kanilang certificate of candidacy nitong Linggo, na kinabibilangan ng re-electionist senator, isang singer, at isang kongresista.
Kabilang sa mga naghain ng COC ay sina Pia Cayetano, singer na si Jimmy Bondoc, at ACT-CIS Representative Erwin Tulfo.
Kasama si Cayetano sa senatorial slate ng administrasyong Marcos. Kasapi siya ng Nacionalista Party (NP) ni dating Senate President Manny Villar.
Samantala, kandidato naman ng PDP-Laban si Bondoc, na naging vice president for corporate social responsibility ng Philippine Amusement Gaming Corp. (PAGCOR) noong administrasyong Duterte.
Tututukan umano ni Bondoc sa Senado ang usapin ng pagpapahusay sa music at entertainment, at turismo, upang makilala rin sa ibang bansa ang kulturang Pilipino.
“Music and entertainment is an economic force and labor force and ang pwersa na ito ay hindi pa optimized pa sa ngayong panahon, 'di tulad sa ibang bansa na gamit na gamit,” ani Bondoc.
“Sa Senado ang kapangyarihan niyan ay mag-concur ng treaties. We can encourage the adoption or the creation of treaties para tayo po ay magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa ibang bayan and to exchange talent and our music force para umunlad ang turismo at makilala ang kultura ng Pilipino globally,” dagdag niya.
Samantala, sa pagtakbo niyang senador, umanib si Tulfo sa partidong Lakas-CMD na pinamumunuan ni Speaker Martin Romualdez.
“It’s time that we also look at sa mga kababayan natin na hindi masyadong napapansin, yung nasa middle (class). Siguro yung sinisigaw nil na higher wages, more benefits, and I would also like to introduce, if there is a chance, yung retirement benefits yung mga nagtatrabaho sa private sector,” ayon kay Tulfo.
Kasama rin si Tulfo sa 12 senatorial candidates ng administrasyong Marcos sa Eleksyon 2025.
“Cong. Erwin’s track record speaks for itself, and we are honored to welcome him into Lakas-CMD. His fearless advocacy for the underprivileged and commitment to improving the lives of ordinary Filipinos make him a perfect fit for our mission of nation-building,” ayon kay Romualdez patungkol kay Tulfo na dating secretary ng Department of Social Welfare and Development noong 2022.
Kasama rin sa mga naghain ng COC bilang senatorial aspirants nitong Linggo sina Junbert Guigayuma, Wilson Amad, Sixto Lagare, Ernesto Arellano, at John Rafael Escobar. --FRJ, GMA Integrated News