Mula sa himpapawid, gumamit na ng mga chopper ng Philippine Air Force na nagbubuhos ng tubig para maapula ang sunog na bumalot sa mga kabahayan sa Barangay 105 Aroma Tondo, Maynila.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, pasado alas 11 ng umaga nang sumiklab umano ang sunog sa mga kabahayan sa may Road 10.
Nagsimula umano ang sunog sa Building 27 at kumalat na hanggang sa mga katabing building.
Karamihan daw kasi ng mga bahay ay pawang gawa sa light materials kaya mabilis na kumalat ang apoy.
12:24 ng tanghali nang itinaas sa Task Force Alpha ng BFP ang sunog.
Makalipas ang isang oras itinaas na ito sa Task Force Bravo.
Nagtulong-tulong na ang mga taga BFP at fire volunteers para apulahin ang apoy.
Pahirapan kasi apulahin ang sunog dahil may kalakasan ang hangin nitong Sabado.
“Iyon po ang isa sa dahilan kaya kami nahirapan po kasi po ang hangin is one of the components ng fire, lalo niyang pinapalakas yung apoy,'' ayon kay Fire Capt. Alejandro Ramos, chief, intelligence and investigation section ng Manila Fire District.
Si Antonio Acibar, maluha-luha habang tinitignan ang bahay at tindahang nasunog.
Hindi raw niya inakala na aabutin ang kanyang bahay at pangkabuhayan. Sa bukana lang naman kasi ang kanyang bahay at malapit na sa kalsada.
Dagdag sa sama ng loob dahil sa trahedya nanakawan pa sila.
“Ang bilis ng pangyayari. Saglit lang talaga yung mga gamit ko di ko na talaga nailabas. Ubos tindahan ko. Ninakaw pa pera ng anak ko. Nasunugan na nga nanakawan pa,'' kuwento ni Acibar sa GMA Integrated News.
Hindi man nadamay sa sunog nakita namin ang isang ginang na namamahagi ng inuming tubig sa mga bumbero.
'”Yung bahay ko naman hindi naman nasali nandoon nakita ko lang sila naawa ako eh, ito lang ang matutulong ko,'' sabi ni Melba sa GMA Integrated News.
Dahil sa sunog matinding traffic ang naranasan sa bahagi ng Road 10.
Binuksan naman ng kalapit Barangay 106 ang kanilang court para may masilungan ang mga residenteng nasunugan mula sa Barangay 105.
Dumating sa Barangay 105 si Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo para tignan ang sitwasyon ng mga nasunugan.
Ayon kay Ramos, sa ikalawang palapag ng isang unit diumano nagsimula ang sunog.
Tinatayang isang libong pamilya ang naapektuhan ng sunog at aabot ang total damage sa P2.5 million.
Pito ang naitalang nagtamo ng minor injuries, ayon sa BFP.
6:20 p.m. nang ideklarang under control ang sunog. — VBL, GMA Integrated News