Arestado ang tatlong suspek sa sangla-estafa scam sa isinagawang entrapment operation ng pulisya sa Muntinlupa City.
Inaresto ang tatlong suspek sa kasong estafa matapos nilang tanggapin ang marked money na P500,000 sa entrapment operation sa isang restaurant na ikinasa ng Southern Police District-Detective and Special Operations Unit (SPD-DSOU).
Isang dating pulis umano ang isa sa mga suspek.
Asawa niya ang isa pang suspek na isang City Hall employee.
Ang pangatlong suspek naman ay isang public school teacher na nanay ng babaeng suspek.
"Ang modus po ng ating suspects ay isasanla po nila 'yung isang property na kung saan ay nagkaroon po sila ng kontrata o kasulatan. At ito'y isasanla pero wala naman po 'yung property hanggang bibigyan sila ng interes," ani Police Major Maynard Pascual ng SPD-DSOU.
Ayon sa pulisya, ilang beses isinanla ng tatlo ang isang property sa Sucat, Parañaque sa halagang P500,000.
Ang modus daw ng mga suspek ay maayos na maghuhulog ng bayad sa mga biktima sa mga unang buwan kasama ang interes hanggang sa bigla na lang daw mawawala ang mga suspek, ayon sa pulisya.
Humigit-kumulang P10 milyon daw ang nakulimbat ng mga suspek mula sa 15 na biktima.
Kumpleto sa mga dokumento at tseke, masinsin ang detalye, at lehitimo talaga tignan ang transaksiyon ngunit pang-engganyo raw ito ng mga suspek kaya nakumbinsi ang mga biktima.
Ang isa sa mga biktima ay isang guro at sinabi niyang ipinangutang lang niya ang P500,000 na ipinahiram sa mga suspek.
"Meron po kasi akong tatlong anak eh. Nakiusap ako sa kanila na ibalik 'yung pera kasi nga mga maliliit pa 'yung anak ko. Wala na akong sinasahod to the point na 'yung anak ko ulam nila toyo na lang atsaka ano, kalamansi," saad ng isang biktima habang umiiyak.
Guro rin ang isang biktima noong 2021 na nangutang lang din para may maipahiram sa mga suspek na dati na raw nilang kakilala.
Hanggang ngayon, wala pa rin daw siyang sinusuweldo, mabayaran lang ang loan na itinakbo ng mga suspek.
"Malaki po 'yung tiwala ko sa kaniya kasi kilalang-kilala ko po siya. Estudyante ko po siya. Then ang nanay po niya ay kasamahan po namin sa simbahan," kuwento ng biktima na umabot daw sa P1 milyon ang naibigay niya.
Ang biktima na naka-transaksiyon ng mga suspek sa entrapment operation, hinihingan nila ng P2.5 milyon.
Hindi na raw kasi nila mababayaran ang sanla kaya inalok sa biktima na bilhin na lang ang property.
"Isinasasanla po sa isang tao and then pagkalipas lang po ng buwan o araw, isasanla na naman po sa ibang tao na hindi na po nababayaran 'yung mga unang pinagsanlaan," ayon sa isa pang biktima.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga suspek na nahaharap sa kasong estafa. —KG, GMA Integrated News