Batay sa impormasyon sa mula sa kanilang counterpart, sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na nasa Indonesia pa rin ang sinibak na Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Guo. Hinihinala rin na sa Sabah, Malaysia dumaan ang grupo ng dating alkalde para makapuslit palabas ng Pilipinas.
“Sa tracking po ng ating counterpart doon, confirmed po nasa Indonesia pa po. Wala pa pong attempts ng paglipat o pag-transfer sa ibang bansa itong si former mayor Alice Guo,” sabi ni BI spokesperson Dana Sandoval sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes.
Maging ang kapatid ni Guo na si Wesley, nasa Indonesia pa rin, ayon kay Sandoval. Sa kabila 'yan ng impormasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nakaalis na ito sa naturang bansa.
“With Wesley Guo, ang last known information niya is Indonesia. Wala pa po tayong new information as to his whereabouts kung lumipat po siya ng bansa," ani Sandoval.
"We are waiting sa confirmation ng Indonesia counterparts natin kung may mga updates po sa biyahe niya," dagdag niya.
Nasa immigration lookout bulletin ang pangalan ni Guo kaungay sa isinasagawang imbestigasyon tungkol sa pagkakasangkot niya sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, at pamemeke umano ng tunay niyang pagkatao.
Una rito, kinumpirma ng mga awtoridad na nakalabas na Pilipinas si Guo noong July 18.
Nitong Huwebes, naglabas ng larawan ang PAOCC na nakuhanan umano si Guo sa Kuala Lumpur International Airport noong July 21.
Nadakip naman sa Indonesia at ibinalik na sa Pilipinas ang mga kasama ni Guo na si Shiela, na kaniyang kapatid at si Cassandra Li Ong, na kinatawan ng isa pang ilegal na POGO firm sa Porac.
Sa Sabah dumaan?
Ayon kay Sandoval, posibleng dumaan umano ang grupo ni Guo sa Sabah, Malaysia nang umalis ng Pilipinas at hindi pormal na dumaan sa airports at seaports ng bansa.
“Ang indication po na nakikita natin ay nagdaan po sila sa Sabah, Malaysia possibly through illegal means po kaya hindi po nagdaan sa processing ng immigration,” saad ni Sandoval.
Mula sa Sabah, sinabi ni Sandoval na posibleng bumiyahe ang grupo ni Guo sa Kuala Lumpur, at lumipat sa Singapore. Mula roon, nag-ferry ang grupo para makatawid sa Batam, Indonesia noong August 18.
Paglilinaw ni Sandoval, nagsasagawa pa ng imbestigasyon at backtracking ang mga awtoridad sa mga posibleng dinaanan ng grupo ni Guo.
Inaasahan na lalabas ang resulta ng imbestigasyon sa mga darating na araw.—mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News