Inaasahang mababawi ng mga motorista sa susunod na linggo ang oil price hike na ipinatupad nitong nakaraang Martes.
Batay sa pagtaya ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, magkakaroon ng malakihang tapyas sa presyo ng krudo sa susunod na linggo batay sa galaw ng oil trading sa world market sa nakalipas na apat na araw.
Ayon kay Romero, P1.15 hanggang P1.35 per liter ang maaaring mabawas sa presyo ng gasolina. Habang P2.00 hanggang P2.20 per liter sa diesel, at P1.90 hanggang P2.00 per liter sa kerosene.
“Based on the relevant news for this week, poor global demand remains one of the main drivers that makes the market bearish,” sabi ni Romero sa dahilan ng inaasahang rollback.
“Added to it are the Israel Gaza ceasefire talks that ease supply fears and the production recovery support from Libya’s Sharara Oilfield,” dagdag niya.
Inaanunsyo ng mga oil company tuwing Lunes kung magkano ang magiging fuel price adjustments, at ipatutupad naman ito sa Martes.
Nitong nakaraang Martes, August 20, umabot sa P1 per liter ang itinaas sa presyo ng gasolina at kerosene, habang P1.20 per liter naman sa diesel.
Sa taong ito, umabot na sa P8.05 per liter ang kabuuang itinaas sa presyo ng gasolina, at P5.95 per liter naman sa diesel. Nagkaroon naman ng bawas sa presyo ng kerosene na umabot sa kabuuang P2.15 per liter.—FRJ, GMA Integrated News