Patay ang isang babaeng barangay kagawad matapos siyang barilin ng riding-in-tandem habang naglalakad kasama ang 11-anyos na anak sa Quiapo, Manila.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Stella Sky Lim, na pauwi na noon nang dalawang beses na barilin ng mga salarin sa Barangay 393, Quiapo.
Nakaligtas naman ang anak ng biktimang si Lim, na kagawad ng Barangay 383.
Isang suspek na umano ang naaresto ng mga pulis, at pulitika ang isa sa mga motibo na tinitingnan sa nangyaring krimen.
“Marami rin kaming natutulungan, lalo na po ang asawa ko. Napakabait niyan. Niyayakap niya kahit Muslim, Kristiyano… tutulungan niya. Kaya nga nagtataka kami bakit siya babaralin lang ng ganoon,” hinanakita ng kinakasama ng biktima na si Gilbert dela Cruz.
“Kapag nakaharap ko yung isang nahuli nila, tatanungin ko kung bakit kailangan barilin niya pa. Pwede naman namin ibigay ang posisyon na gusto niyo… Yung pagiging kagawad po kung gusto nila eh, pwede naman namin bitawan e,” dagdag niya.
Inaalala rin ngayon ng pamilya ang trauma at epekto sa anak sa nasaksihang krimen na ginawa sa kaniyang ina.
“Tinatanong ko siya kung ano ba, meron ka bang nararamdaman? Sabihin mo sa akin para malaman natin [at] makalapit tayo sa iba [kung] paano gagawin po,” ayon kay dela Cruz.
Sa pagkakaalam ng kapitana ng Barangay 383, patapos na ang termino ni Lim, na isa umanong masipag na kagawad.
“Isa sa masipag ko 'yang kagawad. Actually, nung unang tumakbo ang asawa ko, majority sila. Bali, ilang term na siya [at] pa-graduate na siya ngayon. Hindi pala-away yan,” ayon kay kapitana Zobaida Sharief.
Walang maisip na posibleng dahilan si Sharief sa nangyari sa biktima.
“Yung imbestigador, nung tanungin ang asawa niya ano ba ang motibo, ang sabi niya may nakaaway may umiipit daw sa kanila, sa utang nila. Yun lang yun alam nilang away. May nakaalitan [din] sila sa parking,” dagdag niya.
Aminado rin si Sharief na mainit ang pulitika sa kanilang lugar, at maging sila ng kaniyang asawa ay dati na ring pinagtangkaan ang buhay.
“Kahit anong ingat mo... Kapag pinagplanuhan ka, wala na,” ani Sharief.-- FRJ, GMA Integrated News