Naglabas ng freeze order ang Court of Appeals (CA) laban sa bank accounts at mga ari-arian ni Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy, pati na ang Sonshine Media Network International (SMNI).
Sa 48-pahinang resolusyon ng CA, sakop ng freeze order ang 10 bank accounts, pitong real properties, limang motor vehicles, at isang eroplano ni Quboloy.
Ibig sabihin, hindi maaaring galawin ang naturang mga bank accounts at mga ari-arian ng lider ng KOJC.
Sakop din ng kautusan ang bank accounts ng KOJC at Swara Sug Media Corporation, na nag-ooperate ng SMNI, na media arm ng KOJC.
Inilabas ng CA ang kautusan dahil sa may nakita itong basehan na ang naturang mga bank accounts at ari-arian ay maaaring konektado sa mga “unlawful activities and predicate crimes” gaya ng qualified human trafficking, sexual and child abuse, sex trafficking of children, fraud, conspiracy, marriage fraud, smuggling, money laundering, at iba pa.
Kaagad na epektibo ang naturang kautusan na tatagal nang 20 araw.
Inihayag naman ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Quiboloy at KOJC, na hihintayin muna nila na makuha ang kopya ng kautusan bago siya magkokomento.
“The KOJC does not want to speculate as to what is the Order all about because it never had any hint nor inkling about it beforehand,” saad niya.
“Hence, it is withholding any comment/s about the matter until and after it receives an official copy of the Order and the petition, including its attachments,” sabi pa ng abogado.
Sinabi naman ni SMNI lawyer Atty. Mark Tolentino, na bagaman iginagalang nila ang desisyon ng korte, maghahain sila ng mosyon laban sa naturang kautusan.
“We will file a motion to lift that order to the Court or file a TRO to SC,” ayon kay Tolentino.
Nahaharap si Quiboloy sa patong-patong na kaso, kabilang ang qualified human trafficking at child abuse.
Pinaghahanap ngayon si Quiboloy dahil sa may warrant of arrest na inisyu ang korte laban sa kaniya.
May pabuyang P10 milyon sa makagpatuturo sa kaniyang kinaroroonan.
Naniniwala si Police Rregional Office 11 chief Police Brigadier Nicolas Torre III, na nasa loob ng malawak na KOJC compound nagtatago si Quiboloy.
Dati nang itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kaniya. --mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News