Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na makatatanggap ng dagdag na sahod ang mga kawani sa gobyerno simula sa Enero 2025, kasama rito dagdag-sahod para sa 2024, na bahagi ng apat na round ng salary adjustment ng administrasyong Marcos.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, naglaan sila ng P70 bilyon na pondo sa panukalang P6.352-trillion 2025 national budget para sa naturang umento ng mga manggagawa sa pamahalaan.
“For budgeting purposes, we included P70 billion in the FY (Fiscal Year) 2025 MPBF (Miscellaneous Personnel Benefits Fund) to cover funding requirements for Tranches 1 and 2. This is the case since the Personnel Services budget of each agency under the NEP (National Expenditure Program) is still based on 2023 rates,” sabi ni Pangandaman.
Paliwanag pa ni Pangandaman, hinati sa tig-P35 bilyon ang P70 bilyon alokasyon para sa dalawang bahagi ng pagbibigay ng dagdag na sahod.
Sa Palace briefing nitong Huwebes, sinabi ni Pangandaman na ang first tranche ng salary adjustment ngayong 2024 ay retroactive, na mula January hanggang December 2024.
Ang naturang dagdag na sahod, kasamang matatanggap ng mga kawani sa Enero 2025.
Ipatutupad ng adminitrasyong Marcos ang apat na round ng salary adjustment para sa kawani ng gobyerno na magsisimula sa 2024 hanggang 2027.
“We are proposing four tranches of [salary adjustments],” ayon kay Pangandaman.
Una ring sinabi ng kalihim na ginagawa na ng DBM ang executive order para sa naturang four-tranche wage increase program.
Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., sinabi niyang magkakaroon ng dagdag-sahod ang mga kawani ng gobyerno.
Inaasahang makikinabang sa salary hike ang 165,007 sub-professionals; 1,170,647 professionals, tulad ng mga guro; at 22,640 personnel sa executive functions, ayon sa DBM.—mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News