Kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) ngayong Huwebes na bumiyahe si Vice President Sara Duterte at kaniyang pamilya nitong Miyerkules na nasabay sa hagupit ng Habagat at bagyong Carina na nagpalubog sa baha sa maraming lugar sa Metro Manila.
Sa inilabas na pahayag ng OVP, nakasaad na "unfortunate" na nagkataon at nasabay ang biyahe sa pananalasa ng bagyo at habagat.
May kaukulang pahintulot din umano ang biyahe "as evidenced by the travel authority issued by the Office of the President dated 09 July 2024."
"The timing of the trip coinciding with Typhoon Carina is unfortunate. Nonetheless, the Disaster Operations Center of the OVP, institutionalized by the Vice President, is always ready to assist families affected by calamities," sabi pa ng OVP.
Hindi naman binanggit ng OVP kung saan nagtungo si Duterte pero nagpasalamat sila sa publiko sa pagrespeto sa privacy ng ibang miyembro ng pamilya.
Ayon sa OVP, nitong Miyerkules ay may nakaposisyon na umano na mga ipapamahagi sa tinatayang paunang 6,700 pamilya.
Namahagi rin umano ang Disaster Operations Center (DOC) ng hot meals sa mga disaster responder sa Barangay Manresa, Quezon City, at mga relief bags sa 300 pamilya na lumikas at dinala sa Manresa Covered Court.
Laman umano ng relief boxes mula sa OVP ang food packs, hygiene kits, kumot, sleeping mats, kulambo, tsinelas, expandable water jugs, at iba pang pangangailangan.
Masusi rin umanong nakikipag-ugnayan ang DOC ng OVP sa mga local Disaster Risk Reduction and Management Councils (DRRMC). —FRJ, GMA Integrated News