Timbog ang isang empleyado ng Manila City Hall matapos niyang gamitin umano ang kaniyang posisyon para kikilan ang mga sidewalk vendor.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang pagbaba ng isang babae galing sa sasakyan, bago lumapit sa isang lalaking nakasuot ng kulay pulang t-shirt sa bahagi ng San Marcelino Street sa Maynila.
Ilang saglit lang, dinakip na ang isang lalaki na empleyado ng Manila City Hall, na subject ng entrapment operation ng Special Mayor's Reaction Team ng Manila Police District.
Ayon sa Special Mayor's Reaction Team, nagreklamo ang isang complainant na halos apat na linggo na siyang hina-harrass ng suspek upang magbigay ng P500 kada linggo.
"'Pag hindi raw po ako magbibigay ng lingguhan, ipapahuli niya ang kariton ko o ipagigiba niya po" sabi ng biktima.
Ilang kapwa tindera niya ang napilitan ding magbigay ng lagay sa suspek dahil sa takot.
Ginagamit din umano ng suspek ang MPD S.Ma.R.T at sinabing dito napupunta ang mga lagay nila.
Ngunit ayon sa MPD S.Ma.R.T., hindi ito pinapayagan ng kanilang tanggapan.
Inilahad ng suspek na mahigit anim na buwan na niyang ginagawa ang pangingikil.
"Tumutulong lang kami sa kanila para hindi sila mahuli sir, sayang kasi panggastos din 'yung ibinibigay nila. May sakit po ako, may diabetes ako," sabi ng suspek.
Nasa kustodiya na ng MPD S.Ma.R.T. ang lalaki, na sasampahan ng reklamong robbery by extortion. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News