Isang patay na sanggol ang nakitang nakasilid sa plastic at itinapon sa tambak ng basura sa Valenzuela City. Ang babaeng hinihinalang ina nito, nahuli-cam at inaresto.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing isang mangangalakal ang nakakita sa sanggol na nakakabit pa ang pusod at may kasama pang inunan sa plastic bag sa labas ng convenience store sa Barangay Punturin nitong Huwebes.
Isinaad ng pulisya na ni-review ng barangay ang mga kuha ng CCTV sa Kabesang Porong Street, hanggang sa makita nila ang isang babae na nakasuot ng puting t-shirt at naglalakad dala-dala ang isang plastic bag.
Ang plastic ay kahawig ng plastic kung saan namataan ang sanggol.
Nakilala ng isang barangay tanod ang babaeng suspek, kaya tinungo nila ang bahay nito.
Bago nito, dinakip ang babae noong Mayo dahil sa reklamong estafa, ngunit nakapagpiyansa siya. Buntis din ang suspek noon.
Nagpapatuloy pa umano ang bleeding o pagdurugo ng suspek kaya siya dinala ng mga awtoridad sa ospital.
Maghihintay pa ang pulisya sa resulta ng eksaminasyon ng babae kung tugma ang kaniyang DNA sa DNA ng sanggol.
Tumangging magbigay ng pahayag ang babae, na nahaharap sa reklamong paglabag sa Article 258 ng Revised Penal Code o abortion practiced by the woman herself or by her parents.
Maaari siyang makulong ng mahigit sa dalawang taon kung mapapatunayang siya ang nanay ng itinapon na sanggol. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News