Nasawi ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin habang natutulog sa isang tricycle sa Diosdado Macapagal Boulevard, Pasay City. Ang suspek, dating nobyo ng live-in partner ng biktima.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nagpapahinga noon ang biktima at kaniyang live-in partner bandang 3 p.m. nitong Martes.

Ilang saglit lang, isang lalaki ang sumugod at pinagsasaksak ang natutulog na lalaki.

Dead on the spot ang biktima, samantalang hindi nagtamo ng mga sugat ang babaeng kaniyang kasama nang agad itong makatakbo palayo mula sa suspek.

Ayon sa pulisya, selos ang isa sa mga tinitingnan nilang motibo, matapos maghiwalay umano ang babae at ang suspek.

Dagdag nila, pawang mga residente ng Quiapo, Maynila ang tatlo.

Patuloy ang pagsasagawa ng manhunt operation sa suspek, na tumakas sakay ng motorsiklo makaraan ang pananaksak.

Hindi na nagbigay ng kaniyang panig ang babae. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News