Patuloy na hinahanap ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang nurse na sinasabing lider ng isang grupo na nasa likod ng kidney trafficking sa Bulacan.
Sa inilabas na pahayag ng NBI nitong Martes, isa umanong head nurse sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang suspek.
Nakalista ang suspek sa mga tauhan ng NKTI sa kanilang Citizen’s Charter, na naka-post noong November 2023.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng NKTI tungkol sa naturang nurse.
Nitong Lunes, inihayag ng Justice Department, na nakapailalim ang NBI, na tatlong suspek ang naaresto sa San Jose Del Monte City, Bulacan noong July 11.
Ayon sa NBI, nag-alok ang mga suspek ng P200,000 sa mga biktima para makuhanan sila ng kidney o bato, upang ilipat sa kliyente o pasyente na handang magbayad.
“Victims identified the three as the group that processes their kidney transfer. According to the victims, (the suspects) are the ones who maintain and harbor them for the purpose of their kidney organs being transferred for a fee,” saad pa sa pahayag ng NBI.
Nasa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office sa San Jose Del Monte ang mga biktima.
Sinampahan naman ng reklamong paglabag sa Section 4(h) ng Expanded Anti-Human Trafficking Act ang mga nadakip na suspek.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, kung mapapatunayang nagkasala ang mga suspek, maaari silang magmulta ng mula P1 milyon hanggang P2 milyon, at pagkakakulong ng hanggang 20 taon.—FRJ, GMA Integrated News