Matapos "pigain" ng mga kongresista ng mga tanong ang mga pulis ng San Juan, Batangas na sangkot sa pinagdududahang buy-bust operation noong nakaraang Mayo na isang lalaki ang nasawi, umamin ang dalawa sa kanila na walang shootout at walang buy-bust na naganap.
Napatay sa naturang operasyon ng mga pulis na nangyari noong gabi ng May 28, 2024 sa isang tulay sa Barangay Lipahan na nasa hangganan ng San Juan, Batangas, at Tiaong, Quezon, ang biktimang si Bryan Laresma, 33-anyos.
Iginiit ng mga pulis na nanlaban umano si Laresma nang matunugan ang operasyon ng mga pulis at nagpaputok ng baril na kalibre .38, kaya gumanti umano ng putok si Police Sergeant Michie Perez.
Tinamaan si Laresma sa likod na paa at nasawi habang isinusugod sa ospital. May nakuha rin umanong apat na gramo ng shabu sa biktima.
Pero iginiit ng kapatid ni Laresma na walang buy-bust na nangyari at bigla na lamang umanong pinutukan ng pulis na galing sa kotse ang kaniyang kapatid.
Ayon sa kapatid ng biktima, magkikita sila sa lugar para ibigay ang pera na pambili sana ng rechargeable fan.
Humingi ng tulong ang pamilya ng biktima sa Kamara de Representante at maging sa National Bureau of Investigation (NBI) para siyasatin ang nangyari.
Nauna nang inalis sa puwesto ng Batangas Police Provincial Office (PPO) ang hepe ng San Juan Police na si Police Lieutenant Colonel Jesus Lintag, at pitong tauhan ng Drug Enforcement Unit na kinabibilangan nina Police Master Sergeant Juan Macaraig at si Perez, na siyang nakabaril kay Laresma.
Nagsagawa rin ng imbestigasyon ang Provincial Internal Affairs Service ng Batangas Police Provincial Office (PPO), sa nangyaring pagkamatay ng biktima.
Sa pagdinig ng House committee in public order and safety na pinamunuan ni Laguna Rep. Dan Fernandez, inusisa ng mga mambabatas, kabilang si Surigao del Norte Robert Ace Barbers, ang mga hindi magkakatugma sa mga sinumpaang salaysay ng mga pulis kumpara sa mga nakalap na ebidensiya at mga pahayag ng ibang tao na kasama umano sa operasyon.
Nadiin din si Lintag nang makita sa CCTV footage ang isang kotse na sinasabing ginamit sa operasyon at pinagsakyan sa duguang si Laresma, nang itanggi niya na hindi niya alam na naka-impound ito sa kanilang tanggapan na gamit ng isang taong may kinakaharap na kaso.
Naging kuwenstiyunable rin ang oras na sinasabing nangyari ang buy-bust operation nang ikumpara sa oras nang makitang dumaan ang mga sasakyan ng mga pulis na nakuhanan sa CCTV.
Dahil sa tama ng bala sa likod ng paa ni Laresma, nagduda ang mga kongresista sa kuwento ni Perez na binaril siya nito ng dalawang ulit pero hindi siya tinamaan gayong nangyari umano ang engkuwentro nang magkaabutan na sila ng droga at pera.
Pinagdudahan din ng mga kongresista ang kalibre .38 na baril na nakuha umano sa Laresma dahil napansin na tila wala itong "hammer," o parte na kailangan para pumutok ang baril.
Ngunit nanindigan ang mga pulis na mayroon itong "hammer" ngunit maliit lamang. Kasama ring pinuna ng mga kongresista ang pagsasagawa ng buy-bust laban sa biktima na lumitaw na wala naman sa listahan ng barangay at Philippine Drug Enforcement Agency bilang drug personality.
Lumitaw din na hindi ipinaalam nang maaga ng pulis sa PDEA ang gagawin nilang operasyon na kasama umano dapat sa proseso ng pagsasagawa ng buy-bust.
Dismayado si Barbers at tinawag na "bumenta" na ang kuwento na nanlaban ang pakay sa buy-bust kaya napatay at kinalaunan ay may makikitang ilang gramo ng shabu at kadalasang paltik na baril na kalibre .38.
Aniya, kaya nasisira ang imahe ng kapulisan dahil sa mga ganitong maling ginagawa ng ilang pulis.
Pinaalalahanan ng mga kongresista ang ibang pulis na sangkot sa insidente na huwag sayangin ang pagkakataon na ituwid umano ang maling nangyari. Hindi umano tama na isakripisyo nila ang kanilang propesyon para lamang pagtakpan ang mga tunay na sangkot.
Dito na humiling ng "executive session" ang apat na pulis na kasama sa operasyon. Humiling din sina Macaraig at Perez na makasama sa executive session pero pinili ng mga kongresista na ihiwalay sila.
Matapos na kausap ng mga kongresista ang apat na pulis, tila lumambot na sina Macaraig at Perez na nagpahayag na magsusumite sila ng bago nilang sinumpaang salaysay matapos na hindi na mapagbigyan ang hiling nilang executive session dahil sa kakulangan ng oras.
Ngunit bago tapusin ang pagdinig, tinanong ng komite sina Macaraig at Perez tungkol sa nangyari kay Laresma, at inamin nila na walang buy-bust na nangyari, walang shootout na naganap, at inilagay lang ang baril at droga sa ilalim ng tulay.
Sinabi ni Barbers sa GMA News Online matapos ng pagdinig na dapat managot ang mga pulis at maging opisyal na sangkot at naging pabaya sa nangyaring operasyon.
Dapat din umanong magsilbing babala ito sa ibang pulis na magbabalak gumawa ng katulad ng nangyari sa biktima na nasayang ang buhay.--FRJ, GMA Integrated News