Bente-anyos lang at residente rin ng Pennsylvania ang napatay na suspek "subject involved" sa pamamaril at pagkakasugat sa tenga ni dating US president Donald Trump. Isang sibilyan ang nasawi rin at dalawa pa ang sugatan sa naturang insidente.
Sa ulat ng Reuters, kinilala ng Federal Bureau of Investigation (FBI), na nagsasagawa ng imbestigasyon sa bigong asasinasyon laban kay Trumph, ang suspek na si Thomas Matthew Crooks.
Batay sa state's voter records, nakatira si Crooks sa Bethel Park, Pennsylvania, at nakarehistro bilang Republican, na partido ni Trump, na muling tatakbong pangulo ng Amerika sa darating na presidential elections sa Nobyembre.
Nangangampanya si Trump sa Butler, Pennsylvania, at nagsisimula nang magtalumpati nang biglang napahawak ang dating pangulo sa kaniyang kanang tenga at agad na nasundan ng pagyuko.
Kasunod nito ay prinotektahan na siya ng Secret Service agents, at kinalaunan ay dinala sa sasakyan.
Sinasabing nasa bubungan ng isang gusali ang bumaril kay Trump, at nakita pa ito ng ilang tao kaya itinuro sa mga security personnel.
Ang mga tauhan ng Secret Service ang nakapatay umano kay Crooks na nakuwesto sa bubungan.
Nitong Linggo, inihayag ng Federal Aviation Administration na isinira ang airspace sa lugar ni Crooks na Bethel Park na "effective immediately" dahil umano sa "special security" reasons.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa kung ano ang motibo ng suspek sa ginawang pagtatangka sa buhay ni Trump, na muling makakalaban sa panguluhang halalan si US President Joe Biden, na mula sa Democratic Party.-- mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News