Isang Vietnamese national na supplier umano ng ilegal na droga sa ilang bahagi ng Metro Manila ang nadakip sa isinagawang buy-bust operation sa isang residential property sa Pasay City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isinagawa ang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa suspek na matagal na raw nilang minamanmanan.
Lumalabas na supplier umano ng ilegal na droga ang suspek sa katimugang bahagi ng Metro Manila.
Positibong natukoy ng mga ahente ang mga kontrabando gaya ng ketamine at ecstasy.
“I don’t know,” matipid na pahayag ng suspek.
Natuklasan ng NBI ang pagtutulak umano ng Vietnamese ng ilegal na droga sa tulong ng isang tip.
Wala pang eksaktong timbang at halaga ng mga nakumpiskang droga dahil hahalughugin pa ng mga awtoridad ang buong unit ng suspek.
Isasagawa ito kapag nakakuha ng ng search warrant mula sa korte ang NBI.
Patuloy ang imbestigasyon sa lawak ng kaniyang operasyon, at ang source ng kaniyang mga item.
Nasa kustodiya ng NBI para sa documentation ang suspek, na posibleng maharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News