Tinukoy ni Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) chairman and CEO Alejandro Tengco si dating presidential spokesperson Harry Roque na siyang tumulong sa sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga na muling makapag-apply ng lisensiya sa kaniyang tanggapan. Naglabas naman ng pahayag si Roque para linawin ang pag-uugnay sa kaniya sa POGO.
Sa pagpapatuloy ng Senate investigation nitong Miyerkules sa mga sinalakay na mga POGO hub, sinabi ni Tengco na July 2023, nang magpunta sa kaniyang tanggapan si Roque, kasama si Katherine Cassandra Li Ong, ang authorized representative ng Lucky South 99, para pag-usapan ang "problema" umano sa billing ng POGO firm mula sa PAGCOR.
Wala na posisyon sa gobyerno si Roque nang mangyari ang naturang pagpupulong.
Ayon pa kay Tengco, hiniling nina Roque at Ong na bigyan ng pagkakataon ang POGO firm na bayaran ang arrears na anim na buwan na nagkakahalaga ng$500,000. Nabayaran na umano nila ang naturang halaga kay Dennis Cunanan, pero hindi nakarating sa PAGCOR.
Si Cunanan ay dating deputy director general ng Technology and Livelihood Resource Center (TLRC).
Batay sa mga naunang dokumento na inilabas ni Senador Risa Hontiveros, nagpakilala umano si Cunanan na "authorized representative" para sa Hong Sheng POGO sa Bamban, Tarlac at ang Lucky South POGO sa Porac, Pampanga.
Sa naunang pahayag, sinabi ng abogado ni Cunanan na si Atty. Iryl Boco, hindi na umano konektado ang kaniyang kliyente sa anumang POGO mula noong October 2022.
Sinabi rin ni Tengco na hiniling din nina Roque at Ong na muling mabigyan ng lisensiya ang POGO firm na mapapaso na umano sa panahong iyon.
Ayon kay PAGCOR Offshore Gaming Licensing Department head Jessa Fernandez, na kasama ni Tengco sa pagpupulong, anim na ulit umanong nag-follow-up sa kaniya si Roque para sa reapplication ng Lucky South 99's license.
Nilinaw naman nina Tengco at Fernandez na hindi nang-"pressure" o gumamit ng pananakot si Roque habang nilalakad ang lisensiya ng POGO firm.
"Liliwanagin ko din. Si Secretary Roque po'y nandun. Hindi naman po siya nag-pre-pressure. Siya lang din po ay nakikiusap na kung maaari lang ay matulungan 'yung si Cassandra Ong," sabi ni Tengco.
"Hindi po siya naman namemewersa. Nakikiusap po siya at very light po naman ang mga conversation namin. Sabi nga niya, sinamahan ko ito at aggrieved party daw nga," paliwanag niya.
Tinanong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kung ginawa lang ni Roque ang trabaho nito bilang abogado ng Lucky South 99, tumugon si Tengco na, "Maaari pong ganon."
Ayon kay Tengco, si Roque ang nakalagay na pinuno ng Lucky South 99's legal department batay sa organizational chart ng kompanya na nakasaad sa isinumiteng reapplication para sa lisensiya.
Sinabi ni Fernandez na hindi nabigyan ng panibagong lisensiya ang Lucky South 99 dahil wala silang nakitang dahilan para bigyan.
Una rito, sinabi ni Tengco, na isang dating Cabinet official ang naglakad para mabigyan ng lisensiya ang ilang illegal POGO. Gayunman, wala siyang binanggit na pangalan nang panahon na iyon.
Nitong nakaraang June, nakakita ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng sulat na may pangalan ni Roque nang salakayin ang POGO hub sa Porac.
Ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, 2021 ang nakasaad sa sulat.
Sinabi naman ni PAOCC spokesperson Winston John Casio na si Roque ang nagsilbing isa sa abogado ng Whirlwind Corporation, ang kompanya na nagpaupa ng ari-arian sa Lucky South 99.
“The document itself is innocent. The document is not of suspicious or criminal nature," paliwanag ni Casio sa isang news forum.
Hindi naging abogado
Sa isang pahayag, sinabi ni Roque na hindi siya naging abogado ng kahit anong ilegal na POGO, at maging ng Lucky South 99.
Sinamahan lang umano niya si Ong sa naturang pulong, "because I thought Lucky South--- Whirlwind’s principal---was a victim of estafa. By way of accommodation, I joined Ms. Ong since I was then persuading Whirlwind to invest in two energy projects of which I was the primary proponent."
Idinagdag niya na corporate secretary ng Whirlwind si Ong.
"After we were formally retained to represent the company in an ejectment case in September 2023, Ms. Ong signed the pleadings in that case in this capacity. The case remains pending in the Court of Appeals and the Municipal Trial Court of Porac," ayon kay Roque.
Sabi pa ng dating kalihim, "Whirlwind recently retained my firm to quash a search warrant in a residential dwelling in Porac mistakenly described as a “resort” by police authorities."
"As a lawyer, I could not directly engage with the POGO because of a potential conflict of interest and given the soured lease contract between Whirlwind and Lucky South," paliwanag niya.—mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News