Sugatan ang isang babaeng estudyante na magja-jogging sana sa UP Diliman matapos siyang pagsasaksakin ng tatlong holdaper umano na pawang mga menor de edad sa Quezon City. Ang dalawa sa mga suspek, arestado.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, inilahad ng pulisya na inabangan ng tatlong suspek ang biktima.
Ayon sa biktima, nilapitan daw siya ng mga suspek at nagpakita ng kutsilyo bago magdeklara ng hold-up.
Agad din daw siyang sinaksak ng mga suspek nang siya ay sumigaw, at nagsitakas tangay ang kaniyang cellphone at wallet.
Nagtamo ng 11 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima, ngunit agaran siyang nadala sa kalapit na ospital ng isang concerned citizen.
Kasalukuyan na nagpapagaling na ngayon ang biktima sa ospital.
Nadakip ang dalawa sa mga suspek, edad 14 at 15, sa tulong ng CCTV footage nitong Martes.
Nabawi sa kanila ang cellphone at wallet ng biktima, at positibo din silang kinilala ng biktima mula sa mga larawan.
Sasampahan sila ng karampatang reklamo.
Ngunit dahil menor de edad, ihahabilin sila sa DSWD.
“Ang matagumpay na pagkaaresto sa mga suspek ay bunga ng mabilis at maagap na aksyon ng ating mga kapulisan. Ito ay patunay ng ating dedikasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa ating komunidad,” sabi ni Quezon City Police chief Police Brigadier General Redrico Maranan. —Jamil Santos at Jiselle Anne Casucian/VBL, GMA Integrated News