Timbog ang isang lalaki matapos niyang tangayin ang isang nakaparadang motorsiklo at palitan ang mga parte nito sa Quezon City. Depensa ng suspek, hindi siya ang nagnakaw at ipinagawa lang umano ito sa kaniya.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood ang footage ng paglalakad ng suspek pasado 2 a.m sa Barangay Damayan.
Umupo ang lalaki sa gilid ng kalsada katabi lang ng motorsiklo.
Ilang saglit pa, nilapitan na niya ang motor at sinakyan ito, bago iniatras at mabagal na ipinadyak paalis sa lugar.
Nagsumbong sa pulisya ang may-ari ng motorsiklo, na sinabing naka-park lang ang sasakyan sa tapat ng kaniyang bahay kinagabihan. Umaga nang matuklasan niyang wala na ang motor niya.
Natunton at nadakip ang 24-anyos na suspek sa ikinasang follow-up operation ng pulisya.
Nabawi sa suspek ang motorsiklo na napalitan na ang kulay at ibang parte nito.
“Ang only description na nag-identify ng motorsiklo niya is ‘yung seat cover niya. Kasi ‘yun talaga ‘yung seat cover ng motor niya. Na-verify natin ‘yung chassis number, it matches with the records sa OR/CR ng complainant. Match na match. Pero iba na ‘yung kulay, even the key, ignition key, pinalitan na rin,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jewel Nicanor, Masambong Police Station Commander.
Giit ng suspek, hindi siya ang nagnakaw ng motorsiklo.
“Sa akin po inabot ‘yung motor. Mekaniko po ako eh. Bale pinapagawa po ‘yung motor na ‘yun then, hindi ko po alam na carnap pala ‘yung motor… Nakilala ko lang po ‘yun. Hindi na po binalikan,” sabi ng suspek.
Nasampahan na ang lalaki ng reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News