Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos siyang mahulihan ng baril sa isang KTV bar sa Barangay Payatas, Quezon City. Ayon sa suspek, ginagamit niya lamang itong pangdepensa.
Sa ulat ni GMA Integrated News reporter James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nadakip ang lalaki sa ikinasang Oplan-Bakal na operasyon kontra loose firearms sa nasabing barangay.
Inilahad ng pulisya na bigla na lang nagmadaling lumabas ang suspek noong pagdating nila.
“Eksakto rin naman na may pulis tayo sa pintuan at sinabihan na ‘Sir baka puwedeng bumalik muna kayo sa upuan.’ Pagkatapos parang nagmamadali.
So hanggang sa sinabi ulit ng ating pulis na baka po puwede na kung nagmamadali siyang umuwi is baka puwede na i-taas niya yung t-shirt niya and then i-open niya ‘yung sling bag niya.
So ayon po ‘yung nangyari kaya nakita po nil ‘yung baril sa bag,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Leonie Ann Dela Cruz, commander ng Payatas Bagong Silangan Police Station.
Walang naipakitang kaukulang dokumento ang suspek sa 9mm pistol na kargado ng mga bala na nakuha mula sa kaniya.
Agad itong ipina-verify ng pulisya sa Civil Security Group at lumabas na no license to own and possess firearm ang suspek. Wala rin siyang lisensya o hindi registered firearm holder ng kahit anong klaseng baril.
Isinailalim din ang baril ng suspek sa ballistics examination upang matukoy kung nagamit ito krimen.
Dati na ring inaresto ang suspek sa Catanduanes dahil sa mga kasong attempted homicide at alarm and scandal.
Aminado naman ng suspek na sa kaniya ang baril.
“Bale po pumunta po ako roon dahil uminom po ako siguro mga tatlong bote lang ang nainom ko roon. Tsaka doon po ako nahuli po ng pulis po… Parang ano lang din po sa sarili ko. Depensa lang din po,” sabi ng suspek.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News