Patay ang isang delivery rider nang masagasaan at pumailalim siya sa isang bus na nagkaproblema umano sa preno sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa CCTV footage sa panulukan ng Commonwealth at Fairlane Street nitong Sabado ang mga motorsiklong tumigil nang mag-red ang traffic light.
Pero ang isang bus na nasa likod nila, nagtuloy-tuloy ang andar hanggang sa mabundol at pumailalim ang biktima na nakilalang si Mark Magno, 31-anyos, taga-Maynila.
Nagtuloy-tuloy pa ang andar ng bus ng ilang metro habang nasa ilalim nito ang motorsiklo at ang biktima.
"Yung bus daw bumubusina na at nawalan ng preno," ayon kay Quezon City Police District Traffic Sector Commander Police Lieutenant Dennis Escalona. "Kaya meron mga rider... yung mga iba nakaiwas, yung isa hindi na nakaiwas. Kaya kinaladkad siya mismo ng bus."
Ayon sa 59-anyos na driver ng bus, pauwi na siya dahil may naramdaman na siyang problema nang mangyari ang insidente.
"May problema na ito, sir, nung sa Quezon Avenue pa lang. Kaya di na ako nagkarga ng pasahero. Feeling ko kakagat naman yung brake kung walang karga kasi," paliwanag ng nakadetineng driver.
"Bumubusina ako, sir, kasi ayaw na kumagat ng preno ko. Nakita ko sila sa harapan ko. Kaso hindi na talaga napigilan... hindi ko ginusto yung nangyari, sir. Syempre wala namang gustong ganyan," dagdag pa niya.
Mahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. --FRJ, GMA Integrated News