Patay ang isang 12-anyos na bata at dalawa pa ang sugatan matapos silang masalpok ng isang kotse sa Tondo, Maynila. Ang driver, sinabing nagpa-practice driving siya nang mangyari ang insidente.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend, mapapanood ang isang CCTV footage ng paglalakad ng dalawang bata sa kahabaan ng Solis Street bandang 2 a.m. nitong Sabado.
Kasama ng isa sa mga bata ang kaniyang nanay, habang mapapansin sa may kanan ng video na may naka-hazard na sasakyan.
Tumawid na ang nanay at kasama niyang dalawang bata. Ngunit pagkaraan ng ilang hakbang, biglang umandar ang kotse at dito na sila nasalpok.
"Eksakto pagtawid ng dalawang bata tsaka ng nanay, biglang dumating 'yung sasakyan, biglang lumikong ganoon. Tamang tama 'yung dalawang bata tsaka 'yung isang nanay, nasalpok ng naka-black na sasakyan," ayon kay Louie Dela Cruz, chairman ng Barangay 215, Zone 20.
Isang tricycle naman ang nayupi, pati ang gate ng isang bahay sa lakas ng impact ng sasakyan.
Kinilala ang biktima na si Princess Dela Cruz, habang nasa ospital naman ang mag-ina.
Tumanggi ang suspek na magpaunlak ng panayam sa harap ng camera, ngunit base sa pakikipag-usap niya sa GMA Integrated News, sinabi niyang nag-aaral siyang magmaneho.
Humingi na rin siya ng tawad sa mga biktima.
Gayunman, pinananagot ng pamilya ng biktimang nasawi sa disgrasya ang suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News