Patong-patong na reklamo ang haharapin ng isang rider na bukod sa walang helmet nang sitahin sa checkpoint sa Quezon City, nahulihan pa ng granada ng mga awtoridad.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing sinuri ng QCPD ang granada at natuklasang serviceable ito o maaaring pasabugin.
Natuklasan ding nakaw ang minamanehong motorsiklo ng 18-anyos na suspek.
Dati nang nadakip ang suspek matapos masangkot sa pananaksak at riot ng mga kabataan.
Umamin ang rider na itinago niya ang granada, na pag-aari umano ng kaniyang kaibigan.
Mahaharap ang suspek sa reklamong illegal possession of explosives, resistance and disobedience to a person in authority, at paglabag sa Motorcycle Helmet Act. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News