Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos manloob at magnakaw sa isang bahay na tiyempong pulis ang may-ari sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Marzan Street, Barangay 423.
Gumamit ng martilyo ang mga suspek para wasakin ang kandado sa gate at makapasok sa bahay ng pulis.
Nakuha ng mga suspek ang dalawang sapatos at basketball short na nagkakahalaga ng P10,000.
Nasaksihan ng pulis na nakadestino sa Quezon City Police District ang ginawang pagnanakaw ng mga suspek sa kaniyang bahay.
Nahuli ang 18-anyos na suspek matapos niya itong makorner, ngunit nakatakas ang kasamahan nito.
Sakay ng motor, hinabol pa ng pulis ang isa pang suspek, ngunit hindi niya ito inabutan.
Mapapanood sa CCTV ng barangay ang pagtakbo ng lalaki sa isang kalye. Makaraan ang ilang saglit, naglakad-lakad na lamang ito sa bahagi naman ng Barangay 422.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at nadakip ang pangalawang suspek.
Sinabi ng mga suspek na pangtustos sa pamilya ang dahilan kaya nila nagawa ang pagnanakaw.
"Wala lang po kaming makain. Nagtitinda lang po kasi ng balut ang mama ko. Pinagsisisihan po namin," sabi ng isa sa mga suspek.
Pag-amin pa ng mga suspek, hindi ito ang unang pagkakataon na nagnakaw sila.
Nasa kustodiya na ng Sampaloc Police Station ang dalawang lalaki.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News