Sa kulungan ang bagsak ng isang barangay kagawad na nakainom umano dahil sa pagpapaputok ng baril sa Panghulo, Malabon.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapapanood sa video ang galit na pagkompronta ni Kagawad Jaime Domingo sa ilang kalalakihan.
May hawak na baril ang opisyal sa kanang kamay, bago nag-utos na ibalik ang isang maliit na lamesa at ilang upuan sa kalsada.
Maya-maya pa, kinalabit niya ang gatilyo ng baril ngunit hindi ito pumutok kaya pinalitan niya ang magazine.
Sa isa namang video, mapapanood na ang kaniyang asawa ang nag-abot sa kaniya ng magazine.
Sa isa pang video, mapapanood na nagpaputok ng baril ang kagawad habang nakahawak sa damit ng isang lalaki. Sa kabutihang palad, hindi tinamaan ang lalaking kinompronta ng kagawad.
Ayon sa ina ng lalaki, patapos nang mag-inuman ang kaniyang anak at iba pa nang dumating ang kagawad.
Matapos nito, ilang beses pang nagmura at nagsisigaw ang kagawad at sunod-sunod na nagpaputok ng baril.
“Akala ko ang anak ko hindi na mabubuhay kasi ang sabi niya ‘Gusto mo patayin ko sa harapan mo? Kriminal ako. Kaya kong pumatay. Papatayin ko sa harapan mo.’ Bilang magulang sobrang takot na baka mamaya nga patay na ‘yung anak ko kasi patuloy pa rin siya sa pagpapaputok ng baril,” sabi ng ina ng lalaki.
Rumesponde ang pulisya sa lugar nang makatanggap ng tawag mula sa emergency hotline 911.
Tinungo nila ang bahay ng kagawad at dinakip.
Nabawi sa kaniya ang ginamit na baril, at narekober din ng pulisya ang mga basyo ng bala.
Isinailalim si Domingo sa paraffin test, samantalang isasailalim sa ballistic examination ang kaniyang baril.
Base sa imbestigasyon, nakainom ang kagawad ng mga sandaling iyon.
“Ang sabi niya ay dahil nag-iinuman ‘yung kaniyang mga involved dito dahil doon sa harap ng bahay niya. Ang sabi niya iniwan ‘yung tables at saka mga upuan, nadatnan niya tapos hindi man lang nilinis doon sa tapat ng bahay niya,” sabi ni Police Colonel Jay Baybayan, hepe ng Malabon Police.
Sinampahan na ng mga reklamong grave threat at alarm and scandal ang kagawad, na nakabilanggo ngayon sa Malabon City Police Station.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makunan ng panig ang opisyal ngunit hindi ito tumugon sa mga tanong.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News