Inararo ng isang kotse ang hilera ng mga barrier sa pababa ng EDSA-Ortigas Flyover southbound matapos na mag-away umano ang driver at kasintahan nito. Ngunit ayon sa mga awtoridad, nakainom ang driver.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood na maluwag ang daloy ng trapiko sa pababa ng nasabing flyover sa Mandaluyong pasado 1 a.m.
Ngunit ilang saglit pa, inararo ng isang kotse ang hilera ng mga barrier pagbaba nito.
Wasak ang kaliwang bahagi ng kotse sa lakas ng impact, habang sira rin ang isang concrete barrier, plastic barrier at road signage.
Isang oras na bumigat ang trapiko dahil sa insidente.
Base sa ulat ng Super Radyo dzBB inilahad ng driver ng kotse na nag-aaway umano sila ng kaniyang nobya nang bigla umanong kinabig ng kasintahan ang manibela.
Hindi naman nasaktan ang driver at kaniyang nobya.
Ngunit base sa post ng MMDA, nakainom ang driver.
Sa EDSA – Corinthian northbound sa Quezon City naman, nang-araro rin ng apat na concrete barrier ang isang kotse ng 2 a.m.
Sinabi ng MMDA na nakainom ang driver ng sasakyan.
Pasado alas tres ng madaling araw naman sa bahagi ng Marcos Highway sa Pasig, sumalpok sa mga concrete barrier ang isang sasakyan.
Bahagya pang umikot ang kotse samantalang nagkalat ang mga barikada at bahagi nito sa kalsada.
Ayon sa MMDA, nakainom din ang driver nito. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News