Nahaharap sa reklamo ang isang jeepney driver nang pababain niya ang isang babaeng pasahero dahil sa pangangatawan nito sa Parañaque City.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang kuha ng pasaherong si Joysh Gutierrez ng sagutan nila ng tsuper ng sinakyan niyang jeep na biyaheng Baclaran-Sucat.
Ayon sa kaniya, pinapababa umano siya ng driver dahil mataba raw kasi siya.
“Maya-maya po, ‘yung asawa ng driver biglang nagsabi roon sa asawa niya, ayaw niya ng matabang pasahero. Bawal sa jeepney, pababain daw ako. So sumigaw po ‘yung driver na bumaba raw ako, mafa-flat daw po ‘yung gulong nila, bago lang daw ang jeep nila, two weeks lang daw po sa kanila,” sabi ni Gutierrez.
Hindi ito pinansin ni Gutierrez noong una at pinagtanggol pa siya ng mga kapwa pasahero.
“Hindi po ako bumaba kasi pinagtatanggol na rin po ako ng mga pasahero na kasama ko po,” sabi niya.
Gayunman, hindi tumigil sa pagsasabi ng masasakit na salita ang tsuper at asawa nito.
“Normal po sa akin na nabu-bully, sanay na rin po ako. Pero kakaiba po kasi ‘yung dinanas ko po kagabi kaya sobrang hiyang hiya po ako sa ginawa ng driver. Napahiya po talaga ako sobra,” anang pasahero.
Ini-report ni Gutierrez ang insidente sa Parañaque Police.
Habang kinakapanayam si Gutierrez, biglang dumaan ang inirereklamong jeep.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng tsuper.
Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na bawal mamili ng pasahero ang mga tsuper ng mga pampublikong transportasyon.
''Alam ng drivers at ng operators na isa sa mga polisiya para magkaroon ng prangkisa ng CPC (Certificate of Public Convenience), bawal po mamili ng pasahero. Much worse po 'yung nakasakay na 'yung pasahero natin at pabababain natin dahil lang sa kaniyang timbang," sabi ni LTFRB spokesperson Celine Pialago-Vargas.
Ipinagbabawal din ang pagsingil sa pasahero ng doble nang dahil lang sa kaniyang laki o timbang.
“Kung ano po ang binabayaran ng pasahero ay para po sa sarili niya, hindi po dahil tatlong beses siyang mas malaki sa normal na indibiduwal o dalawang beses siyang mas malaki sa normal na inidibiduwal. Wala pong ganoon,” dagdag ni Pialago-Vargas.
Bukas ang LTFRB sa mga reklamo ng mga pasahero na nakararanas ng pamamahiya mula sa mga driver dahil sa kanilang pangangatawan. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News