Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos silang mahulihan ng improvised pen gun sa magkahiwalay na operasyon sa Baseco Compound sa Maynila.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nag-iikot noon ang Baseco Police nang dakipin ang una dahil sa kaniyang kahina-hinalang kilos sa Barangay 653 nitong Linggo.
Ngunit ang suspek, itinanggi na kaniya ang improvised na baril.
Nito namang Martes, nahulihan ng pulisya ang 44-anyos na lalaki sa Barangay 649 ng improvised na baril na siya mismo ang may gawa.
Ayon sa mga awtoridad, umaabot sa tatlo hanggang apat na pen gun ang nasasabat nila sa Baseco kada buwan.
Nakabilanggo na sa detention cell ng Baseco Police Station ang mga suspek, na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News