Nagpapa-dialysis, dumami pa noong 2023; publiko, pinayuhan na magpasuri para iwas-kidney failure
Tumaas pa ang bilang ng mga Pinoy na nangangailangan ng dialysis dahil sa kidney failure, bagay na ikinababahala ng mga eksperto.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing 42 porsiyento ang itinaas ng mga nagpapa-dialysis noong 2023 kumpara noong 2022.
Ayon sa eksperto, dulot ito ng pagdami rin ng mga mayroong diabetes at hypertension na nauuwi sa kidney failure.
"Diabetes and hypertension run in family so sometimes you have family where two to three have kidney failure and everyone’s in dialysis," ayon kay Dra. Romina Daguilan, Dep. Exec. Director, Medical Services, NKTI.
Tinatawag na lifestyle disease ang diabetes at hypertension dahil sa uri ng kinakain at estilo ng pamumuhay.
"We’re eating too much sugary food we’re not paying attention to our blood sugar, not compliant with blood pressure medications," sabi pa ni Daguilan.
Payo ng doktor, regular na ipa-check ang kidney kung high risk, o may diabetes o hypertension.
"We have very good drugs now they control blood sugar and protect kidneys and heart. These drugs are effective even at late stages of kidney disease so we can delay dialysis for nine years," paliwanag niya.
Sa buong bansa, mahigit 50,000 umano ang mga nagpapa-dialysis. Kaya pinag-aaralan ng Philhealth na itaas ang sinasagot nitong dialysis package sa P5200 kada session mula sa kasalukuyang P2600.
Inaasahan na matatapos sa loob ng isang buwan ang ginagawang pag-aaral tungkol dito.-- FRJ, GMA Integrated News