Inamin ng bagong talagang Senate President na si Francis "Chiz" Escudero na siya mismo ang unang kumilos para makipag-usap sa ibang senador para alisin bilang lider nila sa kapulungan si Senador Juan Miguel "Migz" Zubiri.
Sa ambush interview nitong Martes, sinabi ni Escudero na noong Huwebes niya sinimulan na makipag-usap sa mga kapuwa senador.
"Thursday lang ako nagtanong at nagpasya," ani Escudero, bagaman sinabi ni Zubiri nitong Lunes, na nalaman niya noong Miyerkules pa lang na may plano nang alisin siya bilang lider ng Senado.
Paliwanag pa ni Escudero, "When I say, sinimulan kong makipag-usap dahil marami naman na at that time na may agam-agam," Escudero.
Hindi naman binanggit ng senador kung ano ang partikular na mga "agam-agam" ng kaniyang mga kasamahan sa Senado.
Nang tanungin kung nakausap ba niya sina House Speaker Martin Romualdez, First Lady Liza Araneta- Marcos o si President Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., bago mangyari ang pagkilos sa pagpapalit ng liderato ng Senado, sinabi ni Escudero na nagkita-kita sila sa birthday party ng mga kongresista, na kasama ang kaniyang kapatid.
"Nagkita kami last week Wednesday, birthday ng ilang congressman kasama yung kapatid ko but that was open public gathering," paliwanag niya.
Pero hindi umano napag-usapan doon ang pagpapalit ng liderato ng Senado dahil hindi maaaring makialam ang isang sangay sa pamamalakad ng kabila bilang paggalang sa isa't isa.
Idinagdag pa ni Escudero, na Linggo ng gabi nang makuha na niya ang suporta ng 13 senador, sapat na bilang para alisin na si Zubiri sa puwesto.
Nitong Lunes, nagbitiw si Zubiri bilang lider ng Senado makaraang umabot sa 14 na senador ang pumirma upang ilagay si Escudero na bagong Senate president.
Ang mga pumirma ng suporta para kay Escudero bilang Senate president ay sina: Sens. Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Ronald dela Rosa, Jinggoy Estrada, Bong Go, Lito Lapid, Imee Marcos, Bong Revilla Jr., Francis Tolentino, Raffy Tulfo, Robin Padilla, Grace Poe, Cynthia Villar at Mark Villar.
Nanatili naman sa panig ni Zubiri ang tinatawag na "Seat-mate bloc" na sina Sens. Loren Legarda, Joel Villanueva, Sonny Angara, Nancy Binay, Sherwin Gatchalian, at JV Ejercito.
Hindi naman nakisali sa pagpapalit ng liderato sina Aquilino "Koko" Pimentel III at Senator Risa Hontiveros, na nasa grupo ng minorya.
Sa kaniyang talumpati nitong Lunes, hindi naitago ni Zubiri ang sama ng loob sa mga pangyayari.
"Siyempre heartbroken. Alam mo naman hindi naman tayo kalaban ng the powers that lead. Pero siguro dahil not following instructions, kaya nadale tayo. But I will always continue to remain in support of the independence of the Senate and I will now give my valedictory speech... It is my distinct honor and pleasure to have served the Filipino people as Senate President," sabi ni Zubiri.
Nabanggit din niya na may kasamahan siyang nangakong mananatiling tapat sa kaniya pero nalaman niyang pumirma rin para palitan siya.
"Medyo masama nga po ang loob ko. Meron pang mga nagte-text sa akin. 'We're with you', 'Full support po kami', 'Kami po ay 100 percent sa 'yo'," ani Zubiri.
"Wala pang isang araw, wala na. Ang hirap talagang maging pulitiko," natatawa pa niyang sabi.-- mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News