Dismayado ang pamilya ng nawawalang pageant contestant na si Catherine Camilon sa pagbasura ng Regional Prosecutor sa isinampang reklamo laban sa mga suspek.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang pagbasura sa reklamong kidnapping at serious illegal detention laban kina dating Police Major Allan de Castro at sa driver-bodyguard nitong si Jeffrey Magpantay, noong Abril.
Ayon sa resolusyon ng piskalya, kulang ang ebidensiya laban sa mga suspek para isampa sa korte ang reklamo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na si De Castro ang huling kasama ni Camilon bago siya napaulat na nawawala noong nakaraang Oktubre sa Batangas.
Mayroon umanong relasyon ang dalawa, at hinihina na nakikipaghiwalay na ang biktima.
Pero itinanggi ni De Castro na naging nobya niya si Camilon. Pinabulaanan naman ni Magpantay na may kinalaman siya sa pagkawala ng biktima.
Batay umano sa pahayag ng testigo, nakita nila si Magpantay at dalawang iba pa na may inililipat na babaeng walang malay sa isang sasakyan.
Sinusubukan pa ng GMA Rgional TV Balitang Southern Tagalog na kuhanan ng pahayag ang piskal na nagbasura ng reklamo.
Sa kabila ng nangyari, umaasa pa rin ang pamilya ni Camilon na magkakaroon ng linaw sa pagkawa nito. --FRJ, GMA Integrated News