Lumilitaw sa isang pag-aaral na 52 porsiyento ng mga Pinoy Gen Z ang nais na magtrabaho sa ibang bansa at mas gustong magtrabaho nang solo kaysa grupo.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News "Saksi," sinabing ang mga Gen Z ay isinilang sa pagitan ng 1997 hanggang 2015.
Batay sa pag-aaral ng Wellness Index: An updated ABC of Pinoy Gen X, Y, and Z, lumitaw na nais ng mga Gen Z na makaranas ng bagong kultura at personal growth na magpapataas din ng kanilang competitiveness at marketability sa global job market.
Itinuturing fully digital native ang mga Gen Z dahil lumaki sila sa mundo ng social media at smart phones.
Paliwanag ng clinical psychologist na si Rainier Ladic, mas madali sa Gen Z na makakuha ng impormasyon at makita ang uri ng pamumuhay sa ibang bansa dahil sa kanilang kasanayan sa technology.
"Mataas ang kanilang personality na openness to experience sa mga Gen Z na nagmo-motivate sa kanila to try something new," dagdag niya.
May kani-kanilang economic reasons din umano ang Gen Z kaya nais nilang magtrabaho sa ibang bansa.
"Better pay na trabaho. Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at hindi pagtaas ng sahod," sabi pa ni Ladic.
Lumabas din sa pag-aaral na mas gusto ng mga Gen Z na magtrabaho na mag-isa kaysa grupo para makaiwas sa pressure at anxiety kapag may kasamang iba.
"The mere fact that their work will be observed and evaluated so they feel all the more anxious working with groups. Working in groups, may not show yung skills na meron sila kasi always in group yung nakikita," paliwanag ni Ladic.
"So gusto din ng Gen Zs nama-maximize yung freedom and this includes yung pakiramdam na nadi-direct nila sarili nila and they could achieve this by working independently," dagdag niya. — FRJ, GMA Integrated News