Tatlo ang patay habang 17 ang sugatan matapos magkarambola ang mga sasakyan kabilang ang isang bus, UV Express, taxi at limang motorsiklo sa Fairview, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5 na sinalpok ng bus ang mga motorsiklo bago ang UV Express at ang taxi sa intersection ng Commonwealth Avenue at Fairlane Street.
Isa sa mga motorcycle rider ang pumailalim sa bus. Pahirapan ang paghila sa kaniya, hanggang sa makuha siya ng mga rescuer at isinugod sa ospital.
Gayunman, idineklara siyang dead on arrival.
Ang dalawa pang nasawi ay mga pasahero ng UV Express, kabilang ang isang bata.
Kabilang naman sa sugatan ang driver ng UV Express.
Basag ang windshield ng bus, habang nayupi naman ang likurang bahagi ng UV Express.
Bago ang insidente, mapapanood sa CCTV na mabilis ang takbo ng bus.
Nasa kustodiya na ng QCPD ang driver, na sinabing pumalya ang kaniyang break na nagdulot ng aksidente.
Humingi ng tawad at ng pang-unawa ang driver, at sinabing hindi niya kagustuhan ang nangyari.
Nahaharap siya sa mga reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at damage to properties. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News