Ilang barko ng China ang namataan sa West Philippine Sea habang isinasagawa ang sabayang paglalayag at gunnery exercises ng Pilipinas, Amerika, at Pransiya.
Sa report of Ian Cruz nuong Lunes sa GMA News 24 Oras mula sa BRP Davao del Sur, tatlong People’s Liberation Army Navy (PLAN), na barkong pandigma ang sumusunod sa mga navy ng Pilipinas at Amerika sa ikatlong araw ng Balikatan.
Nagpaputok ng mga machine gun ang Davao del Sur, BRP Ramon Alcaraz at USS Somerset sa target na “Killer Tomato” mula sa layo ng 1,000 yarda sa karagatan.
“It is an opportunity for us to test yung ating mga skills ng ating personnel and weapons sa barko talagang nakuha natin nakuha natin na matarget yung ating killer tomato kanina,” ayon kay Commander Marco Sandalo, ang kapitan ng Davao del Sur.
Habang nagsasagawa ng gunnery exercise, nakikita na sumusunod ang mga barko ng Tsina.
Isa sa mga ito ang dumaan sa likod ng Alcaraz at USS Harper’s Ferry.
Tatlong barko ng Tsina ang nakita sa loob ng exercise area na nasa 30 hanggang 35 milya ang layo ula sa Quezon, Palawan.Isa dito ang PLAN guided missile destroyer Shenzhen na may numerong 167.
Sinundan ito ng barko na pang surveillance na may numerong 793 na may kasamang frigate.
Ang pinakamalapit na Tsinong barko ay nasa 5.8 nautical miles ang layo mula sa Davao del Sur, isang landing platform dock.
Nagsimulang sundan ng mga barkong Tsina ang tropa ng Pilipinas ng ito ay pumasok sa WPS galing Sulu Sea noong Sabado.
“Never naman tayong na-intimidate as long as we have conducted yung ating exercise na safe. Na yun nga tulad ng sinasabi ko as long as we are safe,” ayon kay Sandalo.
Isang CH-53 Sea Stallion helicopter mula sa USS Somerset ang pinalipad para kunan ang makasaysayan na multinational maritime exercise ng talong bansa.
Ang grupo ay pumalayag patungo sa Ayungin Shoal na kung saan ay naroroon ang BRP Sierra Madre.
Ang Ayungin Shoal ay malapit sa Panganiban o Mischief Reef na kasalukuyang sinakop ng Tsina kahit na ito ay nasasakop ng Philippine exclusive economic zone (EEZ).
Ang Pransiya naman ay nagpalipad ng kanilang Airbus helicopter mula sa frigate Vendemiare para sa vertical replenishment sa the flight deck ng Davao del Sur.
Ipinakita ng exercise kung papaano malilipat ang kagamitan at tauhan sa pamamagitan ng helicopter kahit bumabaybay sa gitna ng karagatan.
Pagkatapos ng gunnery exercise, inaasahan naman na magkakaroon ng pagsasanay sa makabagong mga rocket system sa mga susunod na araw.—RF/FRJ, GMA Integrated News